NAGPAHAYAG ng suporta sa kandidatura ni PDP-Laban Manila mayoral candidate Alfredo S. Lim ang mahigit 2,000 pangulo ng iba’t ibang organisasyon ng mga sasakyang pampubliko na may tatlong gulong gaya ng pedicabs at tricycles, kasabay ng pagsasabing solido ang kanilang magiging boto para kay Lim sa darating na halalan sa Mayo.
Sa isang ugnayan na ginanap sa isang fastfood chain sa Sampaloc, Maynila, partikular na tinanong ng mga driver kay Lim kung ano ang plano niya para sa kanila kapag naupong mayor at tahasang sinabi ni Lim na tatapusin niya ang anumang uri ng towing at pangingikil na nabibiktima ang mga driver ng tricycles at pedicabs, bagay na kanilang ikinatuwa.
Binanggit din ng drivers kay Lim ang umano’y walang habas at napakataas na mga bayarin at multa na ipinapataw sa kanila, mula P500 hanggang P1,500.
Dumalo sa nasabing dialogue sina Danilo Bolocon, secretary-general ng ruling PDP-Laban at Federalism newspaper publisher Manny Plaza; at mga kandidato para Konsehal na sina Jograd dela Torre, Lucy Lapinig, DJ Ron Flores-Cruze at Glady Villar, fifth district; at Jessie Delgado at Raffy Crespo Jimenez, sixth district.
Inireklamo ng mga driver kay Lim ang umano’y mga panggigipit na nararanasan nila kapag naglalagay ng mga tarpaulin ni Lim sa kanilang minamanehong tricycle o pedicabs, bukod pa sa pagiging biktima ng iba’t ibang uri ng extortion.
Tiniyak ni Lim na hindi lamang pangingikil ang kanyang tutuldukan kundi agad pang sisibakin ang sinumang irereklamo ng extortion.
Ani Lim, seryoso rin niyang iuutos na pag-aralan at ikonsidera ang pagpapatupad ng mungkahing implementing rules and regulations (IRR) na siyang magiging gabay sa operasyon ng tri-wheeled vehicles sa lungsod at bigyan din sila ng sapat na proteksiyon.
Bubuwagin din umano ni Lim lahat ng tanggapan na nagpapahirap sa mga tricycle at pedicab drivers matapos malaman na ilang tanggapan ang pareho lamang ang silbi at nangha-harass sa kanila nang halos sabay-sabay.
“Hindi lang extortion ang mawawala kapag ako na ang nakaupo sa City Hall. Uunahin ko ‘yung gumagawa ng extortion,” ani Lim, na sinagot ng mga driver ng malakas na palakpakan, hiyawan at paulit-ulit na pagsigaw ng “Mayor Lim, Mayor Lim!”