NANAWAGAN ngayon si senatorial bet at Ilocos Norte Governor Imee Marcos sa lahat ng magkakalabang politiko na pairalin muna ang isang “political ceasefire” sa nalalapit na paggunita ng Semana Santa o Holy Week.
Ayon kay Marcos, makabubuting itigil na muna ang mga alitan at batikusan ng magkakalabang politiko sa panahon ng kampanya para higit na makapagnilay ang bawat isa bilang mga Kristiyanong naniniwala kay Hesu Kristo.
“Siguro naman hindi kabawasan sa ating lahat na kahit sandali ay makapagnilay tayo lalo na ngayong Holy Week. Magkaisa tayo at kilalanin ang paghihirap ni Hesu Kristo,” paliwanag ni Marcos.
Ang panawagan ni Marcos ay bunsod na rin ng tumitinding tensiyon bunga ng nakatakdang halalan lalo sa mga lalawigan kung saan mahigpit ang labanan ng magkakalabang kandidato.
“Dapat ‘political ceasefire’ muna tayo! Kahit na paano, malaking tulong ito kung sa pagsapit ng Holy Week ay magkaisa tayong lahat kabilang na ang ating constituents, at maging daan para lalong maging mapayapa ang darating na eleksiyon sa Mayo13,” panawagan ni Marcos.
Idinagdag ni Marcos, ang anumang uri ng karahasan ay hindi mangyayari sa panahon ng eleksiyon kung ang bawat magkakalabang politiko ay magkakaisa bilang mga Kristiyano at isasabuhay ang paghihirap ni Hesu Kristo ngayong Semana Santa.
HATAW News Team