PINAYOHAN ni senatorial candidate at economist Mar Roxas si Pangulong Duterte na ibaba ang presyo ng mga pangunahing bilihin at huwag ang martial law.
Ayon kay Roxas, maraming problema ang bansa mula sa walang tigil na oil price hike, peace and order, talamak na droga, smuggling at korupsiyon kaya ito ang mas dapat tutukan ng Pangulo imbes ang pagsuspende sa writ of habeas corpus.
“Alam mo napakaraming problema ang hinaharap ng pangkaraniwang Filipino. Dito lamang sa aking pag-ikot, sinasabi ng mga nagtitinda, matumal. Walang pera ang mga tao. Sa mga mamimili naman, namamahalan sila. So talagang ‘yun ang squeeze na nararamdaman ng mga tao. ‘Yan ang mga totoong problema na dapat tutukan,” sabi pa ni Roxas habang nag-iikot sa palengke ng Blumentritt.
Sinabi rin ni Roxas na hindi produktibong pag-usapan ang martial law o kanit pa revolutionary government dahil sa panahong hindi nga makaahon sa kahirapan ang mga mamamayan, mas kailangan ng solusyon kaysa rebolusyon.