NAGBABALA kamakailan si Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Martin Diño sa barangay officials na hindi nakikiisa sa paglilinis ng mga ilog, estero at kanal sa kanilang nasasakupan, na nanganganib mabalam ang proyekto sa clean and green ng environment ng pamahalaan.
Ito’y matapos ipag-utos ng DILG sa mga barangay official at barangay captain na hulihin ang mga nagtatapon ng basura sa kanal, estero, at ilog upang maipatupad ang clean-up at rehabilitasyon sa Manila Bay.
Pero nanganganib umanong mabalam ang proyekto sa environment na clean and green program ng pamahalaan para sa paglilinis ng estero, ilog at kanal sa District 1 sa Quezon City.
Ayon sa barangay official ng District 1 na tumangging magpabanggit ng pangalan, hindi umano nila maisasakatuparan ang proyekto ng paglilinis sa ilog at estero partikular sa Culiat Creek na nasasakop ng kanilang barangay dahil wala silang pondo para rito dahil hindi napirmahan ni QC District 1 Rep. Vincent “Bingbong” Crisologo ang Development plan ng kanilang barangay.
Nabatid sa barangay officials na kailangan umanong dalhin pa ng mga barangay captain sa bahay ni Crisologo ang kanilang development plan project para mapirmahan ng mambabatas upang mapondohan ang kanilang proyekto sa barangay.
Bunsod nito, nababalam umano ang mga proyekto nais nilang ipatupad sa kanilang barangay. Sinabi sa ulat na ilan sa development projects ng naturang mga barangay ngayong 2019 ay clean and green program para sa Sagip Batis o paglilinis ng mga estero at kanal, disaster program na laan para sa mga kalamidad, peace and order project na nangangailangan ng pondo para maipatupad.