KAHIT matagal nang namayapa ang tinaguriang Hari ng Pelikulang Pilipino na si Fernando Poe Jr., hindi naman kumukupas ang kanyang mahika sa pag-iikot ni Sen. Grace Poe sa mga kanayunan.
Sa pagbisita ni Sen. Poe sa Lucena City kamakailan, mainit siyang sinalubong ng mga residente roon lalo ng mga tagahanga ng kanyang namayapang ama.
Halos maiyak pa ang iba nang makapiling nila ang anak ni Da King at ikinuwento na hindi sila pumapalya sa panonood ng ‘Ang Probinsiyano,’ ang teleserye na hango sa pelikula ni FPJ.
Ilang tindera ng New Lucena Market ang iniwan ang kanilang puwesto para makita si Sen. Poe.
Sabi nila, kahit wala silang benta ay masaya naman sila na makasalamuha ang senadora.
Matatandaan na tumakbo noong 2004 presidential elections si FPJ ngunit tinalo ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Makalipas ang 15 taon, patuloy na naninindigan si Sen. Poe na ninakaw ang presidency sa kanyang ama.
Sinabi ni Poe na nag-iingat siya sa mga desisyon sa politika dahil bitbit niya ang reputasyon ng kanyang ama kaya’t ayaw niya itong dungisan.
Ayon naman kay political strategist Perry Callanta ng STORM, malakas pa rin ang mahika ni FPJ kaya laging nangunguna si Sen. Poe sa halos lahat ng lumabas na survey.
Ganito rin ang opinyon ng isa pang political strategist na si Janet Porter ng Cavite na nagsabing kahit matagal nang yumao si FPJ ay buhay na buhay sa alaala ng mga botante ang kadakilaan nito sa mga pelikula.