NASA mahigit 100,000 kidney patients na residente ng Maynila ang nahandugan ng libreng dialysis treatment sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC) mula pa noong taon 2014 hanggang sa kasalukuyan at patuloy na maglilingkod lalo sa mahihirap.
Ayon kay GABMMC officer in-charge director Dra. Ma. Luisa “Lui” Aquino, nasa 111,200 ang sumailalim sa hemodialysis treatments mula Disyembre 2014 hanggang kasalukuyan na may 854 pasyente ang hinandugan ng “unlimited lifetime treatments” sa kidney patients.
Napagalaman kay Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada, nasa 72 dialysis machines ang matatagpuan sa GABMMC upang mabigyan nang libreng serbisyo ang mga maralitang Manileño na may sakit sa bato.
Giit ni Estrada, ang libreng serbisyo na dialysis treatment ay nagsimula noong siya ay Pangulo ng ating bansa.
Ayon kay Estrada, ang gastos sa bawat paggamot sa dialysis ay mahigit sa P2,500 sa government hospitals habang nasa P4,000 sa pribadong pasilidad na napakahirap para sa isang karaniwang pamilya lamang.
Ang kidney disease ay maaaring mapigilan bagama’t ang nasabing sakit ay ika-pitong pangunahing sanhi ng kamatayan sa ating bansa.
Gayonman, sinabi ni Estrada na dahil sa mataas na gastos at hindi maaabot na paggamot, ang ilang mga pasyente ay namamatay nang hindi sumasailalim sa dialysis.
Si Estrada, tumatakbo para sa kanyang ikatlo at huling termino bilang Alkalde ng lungsod, ay nagsabi na siya ay may tungkulin ngayon na magbigay ng tulong sa mga nangangailangan.
“As mayor of Manila, I am privileged that I am now in a position to help our hospital achieve its most important mission: to assist and attend to the health needs of our people,” ani Estrada.