KULONG ang live-in partners na kapwa menor de edad nang makompiskahan ng marijuana na nagkakahalaga ng P120,000 sa isang buy bust operation habang arestado rin ang magkapatid at isa pang binatilyo na naaktohan namang nagsasagawa ng pot session sa Quezon City, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.
Sa ulat ni P/Lt. Col. Giovanni Hycenth Caliao, hepe ng Quezon City Police District (QCPD) Cubao Station (PS 7) kay Director, P/Brig. Gen. Joselito ang mga suspek na live-in partners, hindi pinangalanan, ay edad 16-17 anyos.
Ayon kay Caliao, dakong 5:50 pm nitong 2 Abril, naaresto live-in partners sa isang buy bust operation sa P. Tuazon Blvd., malapit sa kanto ng N. Domingo St., Brgy. Kaunlaran, sa Cubao.
Nakompiska mula sa mga suspek ang isang malaking brick ng pinatuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng P120,000 at fruiting tops, na nakabalot sa transparent clean wrap, cellphone at buy-bust money.
Giit ng ng mag-partner, kaya lamang nila nagawa ang pagbebenta ng marijuana ay upang may maipambili sila ng gatas ng kanilang anak dahil kapwa sila walang trabaho.
Samantala, arestado rin ang magkapatid na sina Kenneth Banzuelo, 22, at Kim Banzuelo, 24, kapwa ng Brgy. E. Rodriguez, at isa pang 17-anyos na lalaki, nang maaktohang nagpa-pot session dakong 10:25 pm, sa Ermin Garcia St., sa nasabing lungsod.
Nakompiska mula sa kanila ang dalawang pakete ng shabu at mga drug paraphernalia.
ni ALMAR DANGUILAN