INENDOSO ng sikat na aktor na si Coco Martin ang kandidatura ng reeleksiyonistang si Sen. Grace Poe sa paglahok sa motorcade kasama ang panganay ng senadora na si Brian sa “Queen City of the South” nitong Linggo, 31 Marso sa mga bayan ng Dumanjug, Santander at Tuburan at Danao City.
“Hinihingi ko po sana sa inyo ang suporta, dahil sa sobrang pagmamahal ko sa taong ito at itinuturing kong ate. Ang isa sa mga taong pinapakinggan ko at gumagabay sa akin — si Grace Poe,” sabi ni Martin sa mga taong nagtipon-tipon sa harap ng City Hall ng Danao.
Ito ang unang pagkakataon na hayagang inendoso ni Martin ang senatorial bid ni Poe pero tumanyag siya sa adaptasyon sa telebisyon ng pelikula ni Fernando Poe Jr., na “Ang Probinsyano” na pumatok sa takilya noong 1997.
Ginampanan ni Martin ang papel ni Ricardo Dalisay sa toprating TV series at co-star niya ang ina ni Poe na si Susan Roces sa papel na Lola Flora o Lola Kap.
Inendoso rin ng aktor na binansagang “The King of Philippine Independent Films” ang nagbabalik na kumandidatong si dating senador Lito Lapid na may papel din sa “Ang Probinsyano” na si Romulo Dumaguit o Pinuno.
Nagpasalamat si Brian kay Martin sa lubos na suporta sa kanyang ina dahil itinuturing niya itong “kapatid” at malapit na kaibigan ng pamilya Poe.
Nagsadya si Poe sa Sorsogon para dumalo sa proklamasyon ng kaibigang si Sen. Francis Joseph “Chiz” Escudero na tumatakbong gobernador ng lalawigan, bago nagderetso sa Cebu para mangampanya.