Saturday , November 16 2024

Fact finding investigation sa ‘Negros 14’ isinusulong

MARIING kinokondena ng iba’t ibang grupo ng mga magsasaka, human rights groups, at ng Simbahang Katoliko ang pagpatay sa 14 magsasaka sa lungsod ng Canlaon, at dalawa pang bayan ng Negros Oriental, at pina­sinu­nga­lingan ang pahayag ng mga pulis na ang mga biktima ay mga rebeldeng komunista.

Nanawagan ang Un­yon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA) ng hiwalay na imbestigasyon matapos sabihin ng Philip­pine National Police na mga rebeldeng komunista ang 14 magsasaka at nanlaban umano at nagpaputok sa mga pulis habang sila ay inaaresto noong Sabado.

Mabilis na tumugon ang Commission on Human Rights (CHR) at nag-utos na imbesttigahan ang pama­maslang sa lungsod ng Canlaon at sa mga bayan ng Manjuyod at Santa Catalina.

Nais umanong malaman ng CHR kung ano ang kato­tohanan sa sinasabi ng pulisyang ‘lehitimong ope­rasyon.’

Nananawagan rin ang UMA kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo at sa mga independent body na mag­siyasat ukol sa pamamas­lang.

Samantala, sinisisi ng UMA ang pulisya sa Region 6 at ang mga militar, kabilang ang Special Action Forces at Regional Mobile Force Battalion.

Ayon sa grupo, kabi­lang sa mga napaslang ay wa­long magsasaka mula sa Canlaon City – kasama ang magkapatid na sina Ismael at Edgardo Avelino; Melchor Pañares at anak na si Mario; Rogelio Reco­mono at anak na si Ricky; Gonzalo Rosales at Genes Palmares.

Nabatid na si Edgardo Avelino ay chairman ng Hugpong Kusog sa Mag-uuma sa Canlaon City, lokal na chapter ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), isang pambansang organisasyon ng mga mag­sasaka.

Sa bayan ng Manjuyod, napaslang ang mga mag­sasakang sina Steve Arapoc at Manulo Martin, Valentin Acabal, kapitan ng Barangay Kandabong, at Sonny Palag­tiw ng Barangay Panciao.

Napatay sa bayan ng Santa Catalina sina Franklin Lariosa at Ano Enojo Rapada.

Dagdag ng UMA, dinakip din ang 12 iba pa kabilang ang isang lider ng KMP. Inaresto rin ang kapatid ng mga Avelino na si Azucena Garubat.

Sa pahayag na inilabas ni San Carlos Bishop Gerar­do Alminaza sa CBCP News, opisyal na balitaan ng Catholic Bishops’ Con­ference of the Philippines (CBCP), isa sa mga na­paslang ay nagsisilbing lay minister sa parokya ng Canlaon at kayang patu­nayan ng administrador ng parokya na mabuting tao ang napaslang na lay minister.

Dagdag ni Bishop Alminaza, hindi man lang umano nakita ng iba ang sinasabing warrant of arrest at ang ibang napaslang ay kabilang sa mission station nila sa bayan ng Masulong.

Itinutulak ng Obispo na magkaroon ng malalim na imbestigasyon tungkol sa pagpaslang at sa tahasang paglabag sa karapatang pantao ng mga biktima.

Nananawagan din ang Obispo sa mga awtoridad na dapat sigurohin na tamang due process ang gawin sa imbestigasyon at walang karapatang panta­ong malalabag.

“We don’t want to turn our beautiful island of Negros into a killing field,” pahayag ni Bishop Alminaza.

Iginiit ng PNP na ang mga operasyong ikinasa noong Sabado ay pawang mga lehitimong kampanya dahil may mga dalang warrant of arrest na galing sa korte ang mga pulis.

Ayon kay P/Col. Bernard Banac, napatay ang 14 dahil nanlaban sila habang inaa­resto.

Segurado umano ang pulisya na nanlaban ang mga napaslang dahil hindi umano gagamit ng puwersa ng mga pulis kung walang banta sa kanilang mga buhay.

Ayon kay Col. Raul Tacaca, hepe ng Negros Oriental Police Provincial Office, hindi kasama si Mario Pañares sa aarestohin ngunit nakipagtalo umano siya sa mga pulis na aaresto sa kaniyang ama kaya nabaril at napatay.

Sa pahayag na inilabas ni Tacaca, ikinasa ang mga operasyon sanhi ng mga pag-atake umano ng mga kriminal kabilang ang rebel­deng New People’s Army (NPA) sa pulisya at mga sundalo sa lalawigan.

Dagdag niya, ang mga nasa arrest warrants ay hinihinalang mga miyembro at tagasuporta ng NPA.

Ngunit pinasinu­nga­lingan ni Cynthia Avelino na ang kaniyang ama at tiyuhin ay armado at rebeldeng komunista.

Sakitin na umano ang kaniyang ama at umiiwas sa mga pagtatalo.

Isang magsasaka at drayber ng ‘habal-habal’ na ang gusto lang ay kumita ng pera sa malinis na paraan.

Nananawagan si Avelino ng hustisyo para sa ama at tiyuhin.

Ayon kay Tacaca, isa umanong pulis ang tinamaan ng bala sa puwitan sa gitna ng operasyon na nagsimula 1:00 am nitong Sabado at tumagal hanggang hating­gabi noong Linggo.

Sa ulat ng pulisya, narekober nila ang mga rifle-fired grenade, mga frag­mentation grenade, mga handgun at shotgun, at iba pang uri ng pasabog at subersibong dokumento.

Sinabi ni Jacqueline de Guia, tagapagsalita ng CHR, na anumang paratang na nanlaban ang mga biktima sa pag-aresto sa kanila ay kailangan ma­patunayan sa husgado upang malaman kung nararapat ang gina­wang aksiyon ng mga pulis laban sa mga biktima.

Ayon sa international watchdog na Human Rights Watch, ang pamamaslang sa 14 magsasaka ay isang kalunos-lunos na pag-atake sa karapatang pantao at dapat maim­bestigahang mabuti.

“It’s unconscionable that violence like this seems to be getting worse in Negros,” ani Carlos Conde, researcher ng grupo sa Filipinas.

Mariing kinondena ng grupong Karapatan ang pamamaslang at nana­wagan ng hiwalay na imbestigasyon dahil patuloy na nagiging target umano ang Negros ng mga police at military operation.

Noong Nobyembre nang nakaraang taon, isinailalim ng Pangulong Duterte ang buong isla ng Negros sa state of law­lessness matapos ang pamamaslang ng hindi na nakilalang mga lalaki sa siyam na trabahador sa tubuhan, kasama rito nag apat na babae at dalawang bata.

Sa pahayag ng National Federation of Sugar Workers, kapareho umano ng ‘pattern’ ng mga pag-atake sa mga magsa­saka sa Negros ang walang patawad na pam­amaslang sa ilalim ng administrasyong Duterte.

About hataw tabloid

Check Also

Robin Padilla West Philippine Sea WPS

Para sa impormasyon tungkol sa West Philippine Sea
SEN. ROBIN, PCG GAGAWA NG PELIKULANG ANTI-FAKE NEWS

MAY pinaplanong sine si Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla para maghatid ng tamang impormasyon sa …

Erwin Tulfo

Tulfo una sa bagong survey

NANGUNA si ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo sa pinakabagong senatorial preference survey na isinagawa ng …

Senate PCO

Seminar vs fake news hikayat ni Pimentel sa PCO para sa Senado

INIMBITAHAN ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang Presidential Communications Office (PCO) na …

Las Piñas Seal of Good Local Governance

Las Piñas City pinarangalan ng Seal of Good Local Governance 2024 ng DILG

SA KAUNA-UNAHANG PAGKAKATAON, pinarangalan ang Las Piñas City ng prestihiyosong Seal of Good Local Governance …

Siling Labuyo

Apela ni Kiko  
BANTAY SILING LABUYO, PRICE FREEZE SAKLAWIN

MAHIGPIT na implementasyon ng price freeze ang kailangan upang mapigil ang pagtaas ng presyo ng …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *