UMABOT sa 67 katao ang hinuli ng Pasay City Police sa ikinasang Simultaneous Anti-Criminality and Law Enforcement Operations (SACLEO), nitong Sabado ng gabi.
Bandang 11:30 pm nang ipresinta sa media ni Pasay City Police chief PLtCol. Bernard Yang, ang mga hinuling suspek kabilang ang isang may standing warrant of arrest sa kasong frustrated murder na kinilalang si Rodrigo dela Cruz, nasa hustong gulang.
Base sa ulat, nasa 12 katao ang nakompiskahan ng 36 pakete ng umano’y shabu na nagkakahalaga nang mahigit P30,000.
Bukod kay Dela Cruz, isang senior citizen na may kasong panghahalay sa isang menor de edad, habang 40 iba pa ang lumabag sa iba’t ibang ordinansa.
Masusing beripikasyon ang isinasagawa ng pulisya sa mga nahuling suspek upang matukoy kung may kinakaharap na kaso.
Ipinasa ang mga nahuli sa tanggapan ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMS) sa ilalim ng pamumuno ni P/Major Wilfredo Sangel para sa kaukulang imbestigasyon.
(ROMMEL SALES)