ARESTADO ang dalawang hinihinalang sangkot sa ilegal na droga sa isinagawang buy bust operation laban sa illegal selling of firearms ammunition sa Navotas City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni District Special Operation Unit (DSOU) P/Lt. Melito Pabon ang mga naarestong suspek na si Raymond Mirabel, 30 anyos, at Paulo Magalo, 18anyos kapwa taga-Market 3, Brgy. NBBN.
Batay sa ulat ni P/Cpl Mark Jhovie Sales, dakong 4:00 pm nang isagawa ng pinagsamang mga tauhan ng NPD-DSOU at Navotas Police sa pangangasiwa ni P/Col. Rolando Balasabas ang buy bust operation sa pangunguna ni PLT Pabon kontra sa mga suspek sa Market 3, Brgy. NBBN matapos ang natanggap na ulat na ilegal umanong nagbebenta ng mga bala ng baril.
Matapos iabot ng mga suspek ang 10 piraso ng bala ng cal. 40 sa isang undercover police na nagpanggap na poseur-buyer kapalit ng P300 marked money, agad lumusob ang iba pang mga opeeratiba at inaresto si Mirabel at Magalo.
Nang kapkapan, nakompiska sa mga suspek ang walong plastic sachets na naglalaman ng hindi pa matukoy na halaga ng hinihinalang shabu, dalawang sachet ng hihinalang pinatuyong dahon ng marijuana at buy bust money.
Kasong paglabag sa RA 10591 in relation to Omnibus Election Code at RA 9165 sa Navotas City Prosecutor’s Office ang isinampa laban sa dalawang suspek.
(ROMMEL SALES)