PATAY ang 14 magsasakang pinaghihinalaang miyembro ng rebeldeng komunista sa dalawang bayan at isang lungsod sa Negros Oriental nitong Sabado, Marso 30 sa operasyon na inilunsad ng pinagsanib-puwersang operasyon ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Army kontra illegal firearms.
Sugatan ang isang pulis habang nadakip ang 15 subject ng search warrant na dala ng mga operatiba ng pulisya at military.
Samantala, inakusahan ng human rights groups ang mga pulis at mga sundalo na target ng kanilang operasyon ang mga lider at mga miyembro ng mga militanteng organisasyon.
Ang isa umano sa mga napatay ay napag-alamang lider ng isang militanteng grupo ng mga magsasaka sa lungsod ng Canlaon.
Sa ulat ni Col. Raul Tacaca, direktor ng Negros Oriental Police Provincial Office, walo ang napatay sa lungsod ng Canlaon City, dalawa sa bayan ng Santa Catalina, at apat sa bayan ng Manjuyod na tumututol masiyasat.
Aniya, ang mga napatay na suspek ay nanlaban kontra sa mga operatiba mula sa PNP Regional Public Safety Battalion, sa Special Action Force, sa iba’t ibang estasyon ng pulis, at sa Philippine Army.
Dagdag ni Tacaca, suspek ang mga napatay sa mga pag-atake at pagpaslang sa mga pulis at mga sundalo sa rehiyon.
Bahagi ang operasyon sa patuloy na kampanya ng PNP sa Central Visayas kontra loose firearms.
Patuloy na inaalam ang pagkakakilanlan ng mga napaslang bago mailabas sa publiko ang kanilang mga pangalan.
Isang pulis ang nabaril sa puwitan at dinala sa Silliman University Medical Center sa lungsod ng Dumaguete, Negros Oriental.
Samantala, sinabi ni Clarissa Singson, secretary general ng Karapatan-Negros, kabilang sa mga napaslang si Edgardo Avelino, 59 anyos at chairperson ng Hugpong Kusog Mag-uuma sa Canlaon, isang grupo ng mga magsasaka.
Kasama rin sa mga napatay si Ismael Avelino, 53 anyos, kapatid ng sinasabing lider ng grupo.
Ani Singson, sinalakay ng mga hindi kilalang nakasibilyang kalalakihan ang mga bahay ng magkapatid sa Barangay Panubigan at pinagbabaril ang dalawa.
Dagdag niya, tinatarget ng pulisya at military ang mga lider at mga miyembro ng mga grupo ng magsasaka na hindi naman armado.
Ang iba pang mga napaslang ay kinilalang sina Melchor Panares, 67; Mario Panares, 46; Rogelio Ricomuno, 52; Ricky Ricomuno, 28; Gonzalo Rosales, 47; at Genes Palmares, 54; Franken Lariosa, at Ano Enojo Rapada.
Mariing kinokondena ng Karapatan ang pagpaslang at humiling ng sariling imbestigasyon hingil sa insidente.
“This is unconscionable,” sinabi ni Karapatan Secretary General Cristina Palabay sa isang pahayag.
“As we condole with the families of all those killed, we join our voices in the call for justice and accountability for these heinous crimes perpetrated by the government,” dagdag ni Palabay.