ISANG abogada ang napaslang sa saksak ng hindi pa kilalang salarin na sinabing katatagpuin ng biktima sa Barangay Talon 5 Las Piñas City kahapon ng madaling araw.
Nalagutan ng hininga habang ginagamot sa Las Piñas Medical Center sanhi ng mga tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Charmaine Mejia, 31, ng 626 Unit B RO Santos St. Barangay New Zaniga, Mandaluyong City.
Base sa ulat na nakarating kay Las Piñas City Police chief, S/Supt. Simnar Gran, nangyari ang pananaksak sa harapan ng FDJ Apartelle sa Marcos Alvarez Avenue, Barangay Talon 5 ng nasabing lungsod dakong 3:30 am.
Base sa ulat ng pulisya, nabatid na mayroong katatagpuin ang biktima sa naturang lugar na ikinokonsidera ngayong isa sa mga suspek.
Dito inundayan ng suspek nang mga saksak ang biktima at nang duguang bumulagta ay mabilis na tumakas.
Isinugod ng mga taong nagmamalasakit sa naturang lugar ang biktima ngunit nilagutan din ng hininga habang nilalapatan ng lunas.
Sinabi ni Gran, sa pahayag ng kapatid ng biktima, na isa rin abogada (hindi binanggit ang pangalan), bago mangyari ang insidente, tumawag sa kanya ang kapatid na magpupunta sa Las Piñas dahil may kakausaping tao.
Ilang oras ang nakalipas muling tumawag ang biktima at sinabi sa kanyang kapatid na nasaksak siya.
Nalaman na lamang na binawian na ng buhay ang kapatid sa nasabing pagamutan.
Nawawala ang bag ng biktima na naglalaman ng mahalagang gamit.
Isang cellphone ang nakuha sa pinangyarihan ng insidente at dito nakita ang palitan ng mensahe sa text sa bawat isa sa kanila.
“May nabasa kami sa text na pinamamadali ang biktima ng kanyang kausap na dumating dahil sinabing gabi na…” ani Gran. Nabatid nang magtungo ang biktima sa nasabing lugar ay lulan siya ng kanyang sasakyan na Nissan Sedan.
Blanko pa rin ang pulisya na matukoy kung sino ang katagpo ng biktima sa naturang lugar. Inaalam rin kung nahagip ng close circuit television (CCTV) camera ang insidente.
(JAJA GARCIA)