ISA pang consultant ng National Democratic Front (NDF) kasama ang kanyang asawa na mataas na opisyal din ng Communist Party of the Philippines (CPP) ang inaresto sa bayan ng Liliw, sa lalawigan ng Laguna.
Iniulat ng pulisya na dinakip nila si Francisco “Frank” Fernandez, 71 anyos, spokesperson ng NDF sa Negros.
Pang-anim si Fernandez sa 23 miyembro ng NDF peace panel na inaresto simula nang ipatigil ni Pangulong Duterto ang usaping pangkapayapaan noong 2017.
Kasamang naaresto ni Fernandez ang kaniyang asawa na si Cleofe Lagtapon, 66 anyos, na nabatid na nagsilbing regional deputy secretary for communications and for education ng NDF sa Negros, Cebu, Bohol, at Siquijor.
Kabilang din sa mga nadakip si Gee-Ann Perez, 20 anyos, at hinihanalang staff ng NDF sa parehong rehiyon.
Ayon kay S/Supt. Eleazar Matta, director ng Laguna police, isinilbi nila ang warrant of arrest na inisyu ni Judge Renato Muñoz ng 6th Judicial Regional Trial Court Branch 60 sa lungsod ng Cadiz.
Nitong Linggo, 24 Marso, dakong 5:00 am, nadiskubre ng pinagsanib-puwersa ng pulisya at mga sundalo ang tatlong kalibre .45 baril, tatlong granada, at iba pang armas sa bahay na tinitirahan ni Fernandez sa Barangay Calumpang, boundary ng mga bayan ng Liliw at Nagcarlan, sa lalawigan ng Laguna.
Ayon sa tala ng pulisya, kasama sa top most wanted persons sina Fernandez at Lagtapon na may mataas na posisyon sa Communist Party of the Philippines (CPP).
Noong 2016, nagdeklara ng P7.8 milyong pabuya ang military upang masakote si Fernandez.
HATAW News Team