HINATULAN ng Regional Trial Court ng North Cotabato ng walong taong pagkakabilanggo ang dalawang radio blocktimer dahil sa kasong cyberlibel na inihain ni governor Emmylou Mendoza dahil sa malisyosong artikulo laban sa kaniya.
Magugunitang binatikos ng mga radio blocktimer na sina Larry Subillaga at Eric Rodinas sa kanilang programa ang anila’y korupsiyon at pagbubulsa ng pondo ng pamahalaang panlalawigan ni Mendoza.
Bunsod nito, naghain ng kasong cyberlibel si Mendoza laban kina Subillaga at Rondinas nang mag-post sa Facebook na inaakusahan nila ang gobernador ng korupsiyon at pagbubulsa ng pondo ng pamahalaang panlalawigan ng North Cotabato.
Nitong nakaraang linggo, inilabas ang hatol sa dalawang radio broadcaster ni Judge Jose Tabosares ng RTC Branch 23 sa Kidapawan City, kabisera ng North Cotabato.
Napatunayang ‘guilty’ ang dalawa sa paglabag sa Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.
Pinatawan ng walong taong pagkakabilanggo at multang P1 milyon dalawang brodkaster.
Samantala, wala pang inilalabas na pahayag ang dalawang kagawad ng media tungkol sa desisyon ng korte sa kasong isinampa sa kanila.