HINIMOK ng nagbabalik na alkalde ng Maynila, Alfredo S. Lim ang mga botante sa lungsod na magsagawa ng masusing ‘fact-checking’ o pag-alam sa pagkatao ng lahat ng kandidato upang makagawa ng matalinong desisyon, kasabay ng paghayag ng suporta sa mensahe ni President Rodrigo Duterte na ‘you are what you vote (for).’
Binigyang-diin ni Lim na gaya ni Duterte, siya man ay naniniwala na ‘kung ano ang binoboto mo ay ganoon ka rin o ang pagkatao mo.’
Sa isang pulong-ugnayan sa mga miyembro ng Muslim community sa ika-anim na distrito ng Maynila, nanawagan din si Lim sa mga residente na gamitin ang impormasyon na napakadaling makuha mula sa Internet upang pag-aralan ang karakter o pagkatao ng mga kandidato na humihingi ng kanilang boto.
Kasama ni Lim sa nasabing ugnayan ang kanyang mga kandidato bilang konsehal sa ikaanim na distrito na sina Raffy Jimenez at Angel Agub.
Sa kaso ng mga tumatakbo sa lokal na halalan sa Maynila, sinabi ni Lim na sa isang ‘click’ lang sa computer o cellphone ay madali nang makikita ng mga botante ang track record ng lahat ng kandidato mula sa pagka-alkalde hanggang sa mga congressman at councilors.
Madali na rin umanong makita o makaliskisan kung ang isang kandidato ay tumatakbo para lang makapagnakaw sa kaban ng lungsod o para gamitin ang kanyang inaasam na posisyon para magpayaman.
Gayondin, maari rin bisitahin ng mga botante kung ano-ano ang mga nagawang kabutihan ng isang kandidato para sa kapakanan ng lungsod ng Maynila.
Ani Lim, nasa kamay ng mga botante ang kapangyarihan upang baguhin o ayusin ang kanilang kinabukasan, sa pamamagitan ng pagluluklok sa kapangyarihan ng mga taong karapat-dapat at may taglay na kakayahan at konsensiya upang gawin ang tama at makatutulong sa mga taga-lungsod, lalo sa mahihirap o kapos sa buhay.
Tama umano ang sinabi ni Presidente Duterte na ang uri ng pagkatao ng isang botante ay makikita sa uri ng kandidatong ibinoboto nila.
‘Pag gusto ng magnanakaw, malamang e mahilig din magnakaw ‘yung botante. Ganoon lang ‘yun,’ pahayag ni Lim.
Sinabi naman ng chief of staff ni Lim na si Ric de Guzman sa kaso ni Lim ay ni hindi na kailangan pang manaliksik dahil solido ang pruweba pagdating sa kanyang mga ginawa.
Bukod sa kanyang ‘womb-to-tomb’ program na inilunsad sa unang pag-upo niya bilang mayor noong 1992 at lahat ng uri ng libreng serbisyo ay ibinibigay ng lungsod mula sa pagbubuntis hanggang sa kamatayan, naipatayo rin ni Lim ang limang pampublikong ospital na nagbibigay ng libreng gamutan, hospitalization at medisina, bilang dagdag sa inabutan niyang nag-iisang Ospital ng Maynila kung kaya’t bawat isa sa anim na distrito ng Maynila ay may tig-iisang ospital ngayon.
Itinatag din ni Lim ang City College of Manila (ngayon ay Universidad de Manila) na nagbibigay ng libreng college education para sa mga ordinaryong mag-aaral at bilang karagdagan sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila na para naman sa mga honor students mula sa public high schools.
Bukod diyan, sinabi ni De Guzman, naitayo rin sa panahon ni Lim ang 485 libreng day care centers; 97 bagong buildings para sa public elementary at high school; 59 barangay health centers na nagbibigay ng libreng gamot at treatment ng mga minor na sakit; 12 lying-in clinics na libreng paanakan para sa mga buntis na kapos sa budget; 132 bagong-gawang kalsada; mga libreng playground at sports complex at centralized disaster evacuation centers sa Tondo at Baseco.