PANININDAGAN ng Ang Probinsyano Party-list (AP-PL) ang pagiging “festival capital” ng buong mundo ang Filipinas sa oras na maupo sa House of Representatives.
Ayon sa AP-PL, araw-araw ay may piyestang ipinagdiriwang sa iba’t ibang barangay sa bansa ngunit kaunti ang kaalaman sa pinagmulan nito.
Dahil dito, sinabi ni Alfred delos Santos, nominee ng AP-PL, na kabilang sa mga batas na isusulong ng kanyang party-list ang pangagalaga ng kasaysayan at kultura.
“Higit sa pang-ekonomiyang aspekto ng pagdiriwang ng piyesta, mahalaga rin na kilalanin ang kasaysayan ng mga lokalidad sa ating bayan. Ang pagkilala sa ating mga sarili at maipagmalaki ang ating mga pinagmulan ay malaking bagay sa pangangalaga ng ating kulturang ipamamana sa kabataang Filipino,” ani Delos Santos na isang ring Bikolano.
“Tourism is the people’s business. Ito ay susi sa pag-unlad dahil sa mga trabahong lilikhain nito at kita sa pag-aangkat at pagbuo ng impraestruktura. Ang mga dayuhan ay gumagastos na siya namang nagpapalakas sa lokal na ekonomiya. Kinikilala rin ang turismo sa kontribusyon nito sa pagtaas ng kita sa dayuhang pananalapi, pamumuhunan, at pinansiyal na pag-unlad ng bawat bansa,” dagdag ni Delos Santos.
Iginiit ni Delos Santos na mahalaga ang papel ng mga piyesta sa pagbuo ng pambansang kamalayan.
“Ipinagbubuklod nito ang mga tao mula sa iba’t ibang relihiyon, kakayanan at estado sa buhay,” paliwanag niya.
Samantala, ipinagmalaki ni Delos Santos na siya ay isang probinsiyano at isang Bicolano. Aniya, ang mga lokal na pagdiriwang ay nagpapaganda sa imahen ng isang lugar at mga mamamayan nito.
Isusulong ng AP-PL ang pagbibigay ng pondo mula sa national government para sa pagdiriwang ng mga piesta sa bawat bayan.
Sa ganitong paraan ay magkakaroon ng wastong dokumentasyon ang lokal na kasaysayan, lalakas ang lokal na turismo at magkakaroon ng dagdag na kabuhayan sa mga probinsya.