INIREKOMENDA ni Senadora Grace Poe na magkaroon ng refund ang Manila Water para mga consumer at kompensasyon sa local government units na nakararanas ng water crisis sa Metro Manila.
“Hindi puwedeng walang kompensasyon dahil kinunsumi at inabala ang mga tao. Pansamantala, dapat tulungan ang mga barangay na wala pa ring tubig sa pamamagitan ng mas madalas na pagdadala ng water tanks,” ayon kay Poe na tagapangulo ng Senate Commitee on Public Services.
“Walang pinipili ang krisis na ito. Lahat tayo natamaan, hindi lamang sa iisang sektor. This water shortage should be solved at all costs,” diin ni Poe matapos ang public hearing kaugnay sa water shortage.
“In the meantime, ang puwedeng gawin ng Manila Water ay tulungan ang mga barangay na hanggang ngayon ay wala pa ring tubig at dalas-dalasan nila ang pagdadala ng water tanks,” ani Poe.
Nauna rito, sinisi ni Poe ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) sa nararanasang krisis sa tubig sa ilang bahagi ng Metro Manila at karatig na probinsiya ng Rizal dahil sobrang dami ng mga abogadong nagpapatakbo sa ahensiya kaysa mga inhinyero na mas may kaalaman sa mga problemang teknikal.
“Sobra sila sa abogado wala silang inhinyero,” pahayag ni Poe na iginiit na dapat isailalim sa reorganization ang MWSS para mapalitan ang mga miyembro ng ahensiya.
“Malaki ang naging pagkukulang ng Manila Water pero sa tingin ko mas malaki ang pagkukulang ng MWSS,” sabi ni Poe.
Idiniin ni Poe na mas kailangan ng MWSS ang mga inhinyero sapagkat hindi natukoy agad ng MWSS ang problema sa water shortage dahil hindi naman naiintindihan ng mga abogado ang mga problemang teknikal.
“Hindi tulad ng mga inhinyero na may teknikal na kaalaman sa water system, ang mga abogado, ay puro legal framework lamang ang nalalaman,” ani Poe.
“Ako sa tingin ko dapat palitan na sila e. The most important thing is the composition has to be according to how that law was actually intended.”
Ayon kay Poe, wala sanang water crisis kung napalitan ang mga may tagas na tubo na milyon-milyong cubic meters ng tubig ang nasasayang kada araw.
“Dapat talaga mayroong engineer doon, a technical expert who understands the situation, because if they’re all lawyers, wala silang gagawin kundi puro mga legal na mga bagay lang pero hindi ‘yung mga technical na makaaapekto sa daloy ng tubig,” dagdag ni Poe.