PINASOK ng mga kawatan ang opisina ng Express Lane Office (ELO) ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa Parañaque City hall at tinangay ang P132,000 ang halaga ng mga gadgets, cash at iba pang gamit kamakalawa nang hapon.
Sinabi ni Parañaque police chief S/Supt. Rogelio Rosales, nadiskubre ang pagnanakaw, dakong 1:00 pm nang bumalik ang mga empleyado na nakatalaga sa ELO Room 302, 3rd floor, Old Legislative Bldg.
Sa ulat, sinabing pabalik mula sa tanghalian sa labas ang mga empleyado nang madiskubreng sinira ang padlock ng main door ng nasbaing opisina.
Nang pumasok sa loob si ELO operations manager Ronald Angelo Salas, 48, nalaman niya na dalawang yunit ng Ideapad laptop, nagkakahalaga ng P30,000 bawat isa, at isang Xperia cellular phone na may halagang P12,000 ang nawawala.
Nawalan rin ng cellular phone ang isa sa mga biktima na si John Carl Edcel Manuel, 21 anyos, isang programmer na nagkakahalaga ng P12,000, at P2,000 cash habang ang isa na si Reygie Vasquez, 21, office staff, ay nawalan umano ng backpack na naglalaman ng mga personal na gamit.
Maging ang LED implementer Project ELO na si Kennard Cabague, 21, ay nawalan rin umano ng wallet na may lamang P1,000 cash at si Kenjie Salas, 30, information technology staff ay nawalan ng wallet na may lamang importanteng dokumento at mga identification cards gaya ng driver’s license, ATM Cards at P4,000 cash.
Agad nagsagawa ng follow-up operation ang mga awtoridad para malaman kung sino ang suspek na naglakas-loob na pumasok sa tanggapan ng ELO.
Bukod dito, bubusisiin din ng pulisya ang nakalagay na close circuit television (CCTV) camera sa nasabing gusali kung nahagip ang insidente para sa pagkakilanlan ng mga suspek.
(JAJA GARCIA)