DINAKIP ang isang peace consultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) dahil sa illegal possession of firearms sa lungsod ng Imus, lalawigan ng Cavite nitong Miyerkoles.
Nakatakdang sumailalim sa inquest proceedings ang suspek na kinilalang si Renante Gamara kahapon, kahapon, sa Department of Justice sa Maynila, ayon kay Chief Supt. Guillermo Eleazar, direktor ng National Capital Region Police Office (NCRPO).
Ikalima si Gamara sa NDFP consultants na inaresto simula nang ipinatigil ni Pangulong Rodrigo Duterte ang negosasyong pangkapayapaan noong Disyembre 2017.
Ayon sa ulat ng pulisya, kasamang nadakip ni Gamara si Arturo Joseph Balagat, isang retiradong paring Katoliko mula sa Diocese of San Bernardino sa California, USA.
Nabatid na namumuno si Balagat sa Concern Multipurpose Cooperative.
Sa magkahiwalay na panayam sa telepono kina Eleazar at S/Supt. William Segun, hepe ng Cavite police, sinabi nilang naaresto sina Gamara at Balagat ng pinagsanib na puwersa ng pulisya at ng Armed Forces of the Philippines sa isang “underground safehouse” sa Barangay Poblacion II-A bandang 5:30 pm nitong Miyerkoles.
Ayon kay Eleazar, mayroon silang warrant of arrest para sa illegal possession of firearms na inilabas ni Judge Cynthia Marino-Ricablanca ng RTC Branch 27 sa Sta. Cruz, Laguna.
Narekober ng mga awtoridad ang dalawang hand grenade, 9mm kalibreng baril, P90,000, at mga subersibong dokumento.
Noong Abril 2012, nadakip din si Gamara sa lungsod ng Las Piñas ngunit agad din pinawalan upang makasali sa 2016 peace talks sa Oslo, Norway.
Kaslaukuyang nakapiit si Gamara at Balagat sa Camp Bagong Diwa, Taguig City at sasampahan ng mga kasong paglabag sa Republic Act 10915 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulations Act of 2013), paglabag sa RA 9516 (Illegal Possession of Explosives) at paglabag sa Omnibus Election Code. (May kasamang ulat ni JAJA GARCIA)