SA kanyang kampanya sa Tacloban, Leyte noong Martes, nangako ang broadcast journalist at kandidato para sa Senado na si Jiggy Manicad na wawakasan ang gutom para sa mga Filipino, lalo na’t personal niyang nasaksihan ang pagdurusa ng mga taga-Leyte noong wala silang makain matapos ang bagyong Yolanda noong 2013.
“Ang number one plataporma ko ay pagkain kasi nakita ko po ‘yung naranasan natin dito. Dumating ‘yung punto na may pera kami sa bulsa, pero wala kaming mabiling pagkain,” kuwento ni Manicad sa kanyang talumpati.
“At ang nangyari, nagkaroon po ng looting. Mayroon pong pumasok ng mga tindahan na nagbayad din pagkatapos ng bagyo. Pero may iba rin po na sa sobrang gutom, nakalimutan na po nilang balikan,” dagdag niya.
Ayon sa batikang mamamahayag, kaguluhan ang bunga kapag may krisis sa pagkain sa isang lugar. Ito ang nag-udyok sa kanya upang gawing prayoridad ang pagsulong ng sapat na suplay ng pagkain.
“Ang priority ko ay mapalakas ang ating agrikultura sa pamamagitan ng pagtulong sa mga magsasaka at pagbibigay ng subsidiya, lalo sa kanilang diesel at gasolinang ginagamit para sa kanilang makinarya,” paliwanag ni Manicad.
Sinabi rin ng kandidato na isusulong niya ang muling pagbuhay ng industriya ng niyog at ang pagpapalakas ng programa ng irigasyon lalo sa mga sakahan na kulang ang patubig.
“Tama po ang ginawa ng Presidente na ilibre ang irigasyon, kaya lang may mga lugar na kulang pa ang irigasyon, kulang pa ang patubig, kaya dapat talagang suportahan,” ani Manicad.
”Ang epekto nito, ‘pag dinala ang mas maraming supply ng pagkain sa mga kalunsuran, mura mabibili,” dagdag niya.
Dahil sa climate change, ayon kay Manicad, kailangang may plano ang bansa upang siguraduhin ang sapat na supply ng pagkain, lalo na’t ngayon palang ay marami na ang nagugutom.
“Mayroon pa po tayong mga kababayan na kumakain lang nang isang beses sa isang araw, kung may kanin sila. Kung walang kanin, tubig lang ang iinumin nila. Kung may asin, ‘yun po ang ulam nila. Mayroon pa pong nagugutom sa ating lipunan,” pahayag ni Manicad.
Sa isang pag-aaral mula sa University of the Philippines School of Statistics, ang bilang ng mga Filipino na ikinokonsidera ang sarili nilang nagugutom ay tumaas mula 9.4% noong second quarter ng 2018 hanggang 13.3% noong third quarter ng 2018.
Sa nasabing talumpati, naging emosyonal si Manicad nang gunitain ang kanyang coverage noong kasagsagan ng Yolanda.
“Pagdating ko kanina, para po kaming nag-reunion ng mga tagarito kasi masasabi ko na naging parte po ako ng buhay ninyo at kayo ang naging parte ng buhay ko,” pag-amin ni Manicad.
“May mga naniniwala ho na ako’y matapang sa coverage pero rito lang po ako napahiya sa Tacloban kasi akala ko katapusan ko na rin. ‘Yung singsing ko, ‘yung wedding ring ko, sinuot ko na nang mahigpit na mahigpit para kung nahanap ‘yung bangkay ko, ‘yun ang gagamitin nila para makilala ako,” kuwento niya.
Ibinahagi rin ni Manicad ang naging karanasan niya at ng kanyang crew para lamang maiulat ang sitwasyon sa Leyte. Aniya, umakyat sila ng mga puno, kumapit sa mga kable ng koryente, at naglakad nang ilang oras para lamang maka-broadcast ng balita.
Dahil sa kanyang pagbabalita noong bagong Yolanda, nakatanggap si Manicad ng ilang gantimpala mula sa lokal na pamahalaan ng Tacloban at SM Super Media Awards. Isa rin siya sa kinilala nang matanggap ng GMA Network ang prestihiyosong Peabody Award noong 2015. (JG)