DAGUPAN, PANGASINAN — Muling pinaalalahanan ni Vice President Leni Robredo si Pangulong Rodrigo Duterte na maging maingat sa binibitawang salita, sa gitna ng muling pag-atake sa mga pari at obispo.
Mariin ang pagtutol ni Robredo sa paninira at pagbabanta na inaabot ng mga kleriko mula kay Duterte. Para sa Pangalawang Pangulo, dapat maging mabuting halimbawa ang Presidente sa taongbayan, at magpakita ng paggalang hindi lang sa Simbahang Katolika, kundi maging sa ibang relihiyon at paniniwala.
Ayon kay Robredo, kung may pagkakasala ang isang pari, panagutin sa pamamagitan ng tamang proseso kaysa pagbantaan, gaya ng kasalukuyang ginagawa ng Pangulo.
“Kaming public officials, mayroon kaming mas malaking responsibility na hindi natin nasasaktan iyong sensitivities ng mga tao, lalo na pagdating sa relihiyon,” aniya. “Huwag namang sabihin na ipapapatay iyong mga pari, kasi iyong nasasaktan nito hindi lang naman iyong mga pari, pero iyong mga faithful, na iyong mga faithful ang tinitingnan nilang parang representative ng faith nila, iyong simbahan at iyong pari. So kapag tinira mo sila, ang nasasaktan iyong mga naniniwala. At sabi ko, hindi iyan limited sa Catholic faith. Kahit iba pang faith, ganoon din.”
Dagdag ni VP Leni: “Lalo na iyong Pangulo, more than anyone else, iyong salita niya pinapaniwalaan ng marami. So dahil marami iyong naniniwala sa sinasabi mo, with more reason para mas maging accountable ka din sa sinasabi mo.”
Nanawagann rin ang mga kandidato ng Otso Diretso kay Duterte na tigilan na ang pag-atake sa Simbahang Katolika, sa gitna ng paglalahad ng ilang mga obispo at pari ng pagbabanta sa kanilang buhay dahil sa pagpapahayag nila ng pagtutol sa ilang mga polisiya ng administrasyon, gaya ng drug war at extrajudicial killings.
Ayon sa iginagalang na human rights lawyer na si Chel Diokno, dapat seryosohin ng administrasyon ang mga nasabing banta, imbes tingnan itong propaganda laban sa kanila.
“Tama na ang pananakot. Tama na ang paggamit ng karahasan. Tama na ang ganitong mga taktika,” wika ni Diokno.
Panawagan ng election lawyer na si Romy Macalintal, isang debotong Katoliko, itigil na ng Pangulo ang pagpapaigting ng galit ng ilan sa Simbahan.
Para naman kay Magdalo Rep. Gary Alejano, “hindi kagulat-gulat” ang ganitong mga banta at kasabwat ang Pangulo sa bawat pagkakataon na may napatay at mapapatay na pari o obispo.
Kamakailan lang ay ipinahayag ng isang grupo ng mga pari ang pagsuporta nito sa kandidatura ng mga kasapi ng Otso Diretso na sina Diokno, Macalintal, dating congressman Erin Tañada, dating solicitor general Pilo Hilbay, at dating ARMM assemblywoman Samira Gutoc.
Bukod sa kanila, kasama rin sa Otso Diretso slate si Senator Bam Aquino at ang dating senador na si Mar Roxas.