ARESTADO ang tatlong suspek sa panggagahasa sa isang 16-anyos dalagita na kanilang kainuman sa Tondo, Maynila kahapon.
Kinilala ang mga suspek na sina Angelito Gonzales, 25, at magkapatid na Prince, 20, at Paul Diwa, 18, pawang nakatira sa Melalcalde St., sa Tondo.
Ayon sa ina ng biktima na itinago sa pangalang Ann, latang-lata nang umuwi sa kanilang bahay ang anak nang magsumbong sa kanya kaugnay sa ginawa ng mga suspek.
Nauna rito, niyaya umano ng isa pang kaibigang lalaki ang biktima na mag-inuman at nang magising, nakita na niyang nakapatong si Angelito sa kanya.
Pinipilit naman umasno ng biktima na pumiglas ngunit wala nang lakas ang katawan dahil sa hilo at panghihina.
Bago umano ginahasa ni Angelito ang biktima ay mayroon pang naunang gumawa nito habang pinanonood naman ng magkapatid na Diwa.
Sinabi ni Supt. Reynaldo Magdaluyo, hepe ng MPD-PS 1 na posibleng hindi lang alak ang ipinainom sa biktima dahil kaunti aniya ang nainom pero agad nawalan ng malay.
Tatlo pang suspek ang pinaghahanap ng pulisya na kasamang nakainuman at gumahasa sa biktima. Inalok ng kasal ni Angelito ang biktima at sinabing nagawa lamang ito dahil sa sobrang kalasingan ngunit hindi pumayag ang ina ng biktima at pursigidong kasuhan ang mga suspek.
Sasampahan ang tatlo ng kasong rape in relation to 7610 habang isasailalim sa counselling ang biktima dahil sa traumang pinagdanaan nito.