INIREKLAMO ng isang grupo ng mga mamamayan sa Muntinlupa ang kanilang alkaldeng si Atty. Jaime Fresnedi sa Ombudsman dahil sa mga iregularidad na kinasasangkutan ng ilegal na kontrata at kickback na mahigit sa P65 milyones.
Nitong 11 Marso 2019, naghain ng reklamo sa Ombudsman ang mga kilalang lehitimo at taal na mamamayan ng Muntinlupa dahil sa pagpapahintulot ni Fresnedi ng extension na tatlong buwan sa limang kontrata na walang kaukulang resolusyon ng Sangguniang Panlungsod.
Ang ikalawang kaso ay inihain sa Ombudsman nitong 15 Marso 2019 hinggil sa kickback na mahigit P65 milyon ang pagbili sa lote.
Sa isinagawang press conference kahapon, pormal na naghain ng kaso ang mga contractor na GovMedic Trading at Clarita Ines Canteen na kinatawan ni Renato So, residente sa Brgy. Sucat, Muntinlupa City; Mahalimuyak Laundry Corp., at ang Integrated Waste Management na kinakatawan ni Leonilo Santos, residente sa Brgy. Buli, Muntinlupa City; at ang Linde Phil Inc., na kinatawan ni Jan Aldain Bejosano na residente rin sa Brgy. Buli, Muntinlupa City.
Ang Clarita Ines Canteen ay nabigyan ng tatlong-buwan ekstensiyon hanggang nitong 18 Pebrero 2018 para sa Ospital ng Muntinlupa.
Nabigyan naman ng ekstensiyon ang Linde Waste Management Inc., noong 21 Marso 2018 para sa kontrata sa Ospital ng Muntinlupa.
Ang GovMedic Trading ay nabigyan ng kontrata noong 20 Hulyo 2018 para sa food subsidy ng mga preso sa Muntinlupa City.
Ang Linde Phil Inc., noong 23 Pebrero 2018 sa kontratang medical gases para sa Ospital ng Muntinlupa; at ang Mahalimuyak Laundry Corp noong 16 Pebrero 2018 na kontrata para sa Ospital ng Muntinlupa.
Gayonman, ang tatlong buwang ekstensiyon na ibinigay sa naturang mga kontratista ay walang inisyung resolusyon ang Sangguniang Panlungsod para magkaroon ng awtorisasyon si Fresnedi sa pagbibigay ng nasabing extension.
Bukod dito, sinabi ng mga kinatawan ng mga contractor firms na wala silang kinalaman sa mga ginawa ni Fresnedi at hindi rin sila nag-request ng ekstensiyon sa kanilang mga kontrata.
Ang ikalawang kaso, na sinabing Plunder ay inihain ng isang Rafael Arciaga na residente sa Brgy. Putatan, Muntinlupa City, na isinumite nitong 15 Marso, ay hinggil sa pagbili ng loteng overpriced.
Noong 18 Hunyo 2014 ay nagsumite ng written letter kay Fresnedi ang mga nagngangalang Divina Villanueva, Ester dela Cruz, Gregorio Cubacub, Efren Villanueva, Grace Panolino, Remedios Narvaez at Romeo Quilapio para sa pagbebenta ng lote sa halagang P2,500 per square meter at noong May 27, 2015 ay nagsumite uli ng written letter ang mga seller na ang halaga ay P5,000 per square meter.
Pinalabas umano ni Fresnedi na natawaran niya ang presyo at naging P4,000 per square meter.
Inihayag ni Arciaga na ang bilihan ng lupa na may kabuuang sukat na 43,687 sqm ay kuwestiyonable dahil ginamit ang pondo para sa Special Education Fund gayong wala namang resolusyon para sa education project o ang pagpapatayo ng gusaling paaralan.
“Ang unang offer letter ay sa isang coupon bond lang nakasulat at ‘yung pangalawang letter naman, ang ginamit ay ‘yung official letterhead at may seal ni Fresnedi na pinalabas na natawaran niya ang presyo pero ang katotohanan ay kumita nang mahigit P65 milyon si Mayor at ‘yun ay maliwanag na Plunder,” pahayag ni Arciaga.
HATAW News Team