MATAPOS ang isinagawang operasyon ng mga operatiba ng Makati City Police nahuli ang dalawang graduating student ng De La Salle University na nakuhaan ng P1.5 milyong iba’t ibang uri ng party drugs kahapon ng umaga.
Kinilala ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief, Director Guillermo Eleazar ang dalawang inaresto na sina Adriel Ryoichi Temporosa Suzuki, 24, half Japanese ng Unit 736 City Land, 9 Dela Rosa Condominium, Dela Rosa St., Barangay Pio Del Pilar, Makati City, at Ralph Jeffrey Esteban, 23, kapwa estudyante ng De La Salle College of St. Benilde ng BF Homes Almanza, Las Piñas City.
Ayon kay Makati police chief, S/Supt. Rogelio Simon, sinalakay ang nasabing condo unit dakong 7:00 am.
Ani Simon, kumuha ng serbisyo ng isang grab express (Angkas Padala Driver) si Suzuki upang ipahatid ang isang maliit na kahon (package) sa Bonifacio Global City (BGC) sa Taguig City na kahina-hinala ang laman.
Nang tanungin ng Grab Angkas Padala Driver na si Claus Sabadera kung ano ang laman ng kahon na ipadadala tumangging sabihin ni Suzuki kung ano ang nilalaman ng kahon.
Dahil dito naghinala si Sabadera kaya dumeretso siya sa tanggapan ng Police Community Precinct (PCP-3) ng Makati Police.
Nang buksan ni S/Insp. Jay-Ar Fajardo ang naturang package dito nakita na naglalaman ng iba’t ibang uri ng “party drugs” o ecstasy.
Agad nagsagawa ng follow-up operation ang mga pulis at sinalakay ang ika-pitong palapag ng City Land Condo unit sa nasabing lugar.
Naabutan ng mga awtoridad si Suzuki na nasamsaman ang mahigit sa 1000 piraso ng party drugs, reduce cocaine, shabu at drug paraphernalia, ilang yunit ng Japanese yen, mga ID at ‘di pa mabatid na halaga ng pera. Inamin ni Suzuki na karamihan niyang parokyano o kustomer ay pawang mga estudyante ng nasabing paaralan.
Para hndi mahalata sa naturang paaralan ang mga drogang nabibili, inilalagay niya sa kaha ng sigarilyo (Malboro).
Aminado ang mga suspek na nagbebenta sila ng ecstacy kapag may bumibili sa kanila ngunit iginiit na for consumption lang umano ito.
Sinabi ni NCRPO Chief Guillermo, malaking sindikatong maituturing ang ganito karaming droga na karamihan ay mga estudyante ang parokyano.
Aniya, may posibilidad rin sa loob ng condo unit karamihan gumagamit ng drugs ang mga nagiging customer ni Suzuki.
Sa isinagawang pagsisiyasat ng mga tauhan ng Makati police aabot sa P1.5 milyon ang halaga ng nakompiskang party drugs o ecstasy sa dalawa. Patuloy ang masusing imbestigasyon ng mga pulis at inaalam kung saan kumukuha ng droga ang mga suspek at hinahanting na rin ang babaeng Russian national na sinasabing source ng dalawa. (JAJA GARCIA)