QUEZON PROVINCE – Nanawagan si Vice President Leni Robredo na matugunan sa lalong madaling panahon ang problema tungkol sa supply ng tubig sa Metro Manila, lalo sa gitna ng mga tanong tungkol sa pagpapatakbo at pagpapatayo ng mga dam na pinagkukuhaan ng tubig.
Sa kaniyang pagbisita sa bayan ng Infanta, na balak pagtayuan ng Kaliwa Dam, idiniin ni Robredo ang kahalagahan ng pagseseguro na kasali ang mga residente, lalo ang mga katutubong naninirahan dito, sa pagpapasya kung dapat bang ituloy ang nasabing proyekto, na gagawin sa ilalim ng kontrata sa pagitan ng Filipinas at China.
Dagdag ng Bise Presidente, imbes itulak ang proyekto — sa gitna ng mariin na pagtutol dito — tingnan na lamang ng administrasyon ang pagsasaayos ng mga existing na pinagkukuhaan ng water supply upang mas maraming tubig ang mailagay dito.
Dapat din umanong tugunan ng pamahalaan ang mga tanong tungkol sa pinasok na kontrata, sa pagitan ng Filipinas at China, upang maipatayo ang nasabing dam.
Sumangayon dito ang mga kandidato ng Otso Diretso, at idinagdag na hindi dapat daanin ng administrasyon sa palusot ang kakulangan ng supply ng tubig, na kasalukuyang nakaaapekto sa mga residente ng Metro Manila.
Ayon sa iginagalang na abogado na si Chel Diokno, dapat magkaroon ng komprehensibong plano ang administrasyon, at ayusin ang water policy ng gobyerno, dahil sa ngayon ay “parang watak-watak ito” at “nagkakaniya-kaniya ang mga ahensiya na kasali sa pagpapatupad ng nasabing polisiya.
Para naman sa beteranong election lawyer na si Romy Macalintal, dapat magtayo ng tankering system ang mga lokal na pamahalaan sa mga lugar kung saan mahirap ang supply ng tubig.
Kasama nina Diokno at Macalintal na tumatakbo sa ilalim ng Otso Diretso sina Senator Bam Aquino, Congressman Gary Alejano, dating senador Mar Roxas, dating congressman Erin Tañada, dating solicitor general Pilo Hilbay, at dating ARMM assemblywoman Samira Gutoc.