SI Senador Bam Aquino ang pinakaunang kandidatong gustong makabalik sa senado ng People’s Choice Movement (PCM) matapos busisiin ng iba’t ibang religious group ang karakter, kakayahan at mga nagawa ng mga kumakandidato para sa nalalapit na eleksiyon.
Ang PCM na kinabibilangan ng mga religious group tulad ng Catholic, Evangelical at Protestant ay nagsagawa ng isang convention sa pangunguna ng mahigit 100 lider para sa pagpili ng kanilang mga iboboto.
Nanguna si Sen Bam sa kanilang top choice matapos ang pag-aaral sa kanyang mga nagawa habang nasa senado, bukod pa ang maayos na karakter bilang tao.
“Taos-puso po akong nagpapasalamat sa People’s Choice Movement sa kanilang pagkilala at tiwala. Napakalaking bagay rin po sa akin na napahalagahan po nila ang ating mga nagawa sa Senado. Ito po’y magbibigay lakas sa akin para magpatuloy kahit sa gitna ng mga paninira,” ani Sen. Bam na nakakuha ng 120 votes mula sa PCM leaders.
Kasama ni Sen Bam na nakapasok sa top 10 ang Otso Diretso bets na si Chel Diokno, Pilo Hilbay, na parehong 118 votes at Erin Tañada, 112 votes.
“Napakamakabuluhan po ng kanilang suporta dahil mula sila sa iba’t ibang faith-based groups na ang pamantayan sa pagpili ay kung ano ang makabubuti sa bayan,” ani Sen Bam.
Sinabi ni Sen Bam, magiging inspirasyon niya ang pagtataguyod ng PCM sa kanyang kandidatura at nangakong patuloy na isusulong ang kapakanan at karapatan ng mga mamamayan, lalo ng mahihirap. (HNT)