HOUSE to house delivery ng libreng health care sa pintuan ng bawat pamilyang Filipino ang target ng Ang Probinsyano Party-List sa oras na maupo sa House of Representatives.
“Ang kalusugan at kapakanan ng ordinaryong pamilyang Pinoy ang aming prayoridad,” sabi ni Ang Probinsyano Party-List (AP-PL) nominee at health advocate na si Edward delos Santos.
Hangad niya sa lalong madaling panahon, ang bawat pamilyang Pinoy, lalo na ang mga nakatira sa mga probinsiya, ay makikinabang sa pangangalaga at pag-aaruga ng isang health care worker na bibisita mismo sa kanilang mga bahay.
“Isipin n’yo na lang kung ang bawat pamilyang Pinoy ay regular na mabibisita ng isang well-trained nurse o midwife. Hindi na nila kailangan pang lumabas ng bahay para makakuha ng serbisyong medikal at pangkalusugan. Hindi na kailangan mag-day off o kaya ay mag-absent sa eskuwela para magpa-check up. Ang kalusugan ng bawat miyembro ng pamilya ay mamomonitor nang maigi at ang mga sakit ay maiiwasang lumubha.”
Ang ganitong klase ng health care system ay naging matagumpay sa Cuba na tulad ng Filipinas ay isang developing country. Ang Cuban Health Care System ay kinilala ng World Health Organization bilang modelo para sa ibang bansa.
Nagawa nitong makakuha ng first-world health statistics sa pamamagitan ng paggamit ng prinsipyo ng preventive medicine. May mga dedicated na health workers na nakatalaga sa bawat pamilya upang mamonitor ang kanilang kalusugan at maiwasan nila ang pagkakasakit.
“An ounce of prevention really is better than a pound of cure,” dagdag ni Delos Santos. “Kung may ganito tayong sistemang pangkalusugan, makatitipid ang gobyerno kapag mas kakaunti ang taong kinakailangang maospital. Mainam rin ito para sa negosyo dahil kapag malusog ang mga trabahador mas magiging productive sila sa trabaho. Mainam rin ito para sa ating ekonomiya.”
Kamakailan ay pinirmahan ni President Rodrigo Duterte ang Universal Health Care Act, na ang bawat Pinoy ay naka-enrol sa National Health Insurance Program at nagbibigay sa bawat Filipino ng “immediate eligibility” at access to preventive, promotive, curative, rehabilitative, and palliative health services.
Sinabi ni Delos Santos, kabilang sa legislative agenda ng AP-PL ang pagseseguro na ang implementasyon ng batas ay sang-ayon sa Cuban health system. Sakaling maihalal sa Kongreso, titiyakin ng AP-PL ang pagtatalaga ng mga barangay health workers at nurses para sa regular na libreng house-to-house check-up sa mga pamilya. “Lahat ng pamilya ay dapat makinabang. Dapat may isang health worker na naka-assign sa bawat isa sa 42,044 barangay ng bansa,” ani Delos Santos.
HATAW News Team