HINIMOK ni Senadora Grace Poe ang gobyerno na maging proactive sa pagtugon sa mga umiiral na problema at pagkukulang ng bansa pagdating sa water supply system.
Bilang isang agricultural country, sinabi ni Poe na dapat tinatamasa ng gobyerno ang Right to Water and Sanitation ng bawat indibiduwal partikular ang mga magsasakang naninirahan sa mga probinsiyang pinagkaitan ng water supply gayong malaki ang naiaambag sa pagpapayabong ng sektor ng agrikultura.
Isa sa mga posibleng paraan upang mamantina ang natural water supplies ang pagiging bukas ng bansa sa paggawa ng mga teknolohiya at impraestruktura na tutulong para mapakinabangan ang ulan sa pang-araw-araw na pangangailangan ng Pinoy.
“Kaya nga nagtataka ako na kahit napalilibutan ng iba’t ibang body of water ang mahigit pitong libong isla sa Filipinas, nagkakaroon pa rin tayo ng problema tuwing panahon ng tag-init,” diin ni Poe. “Ilang bagyo ang humahampas sa atin kada taon pero hindi natin lubusang napakikinabangan ang mga tubig na ibinabagsak nito. Panahon na siguro para magkaroon ng pagpaplano at proyekto para magamit nang husto ang tubig mula sa ulan kaya itinutulak po natin ang paglikha ng Water Regulatory Commission.”
“We can hit two birds with one stone—prevent flooding and somehow re-direct rainwater to arable agricultural lands or to treatment facilities, turning said water into home-friendly public utility for all our households. There should really be a meaningful discourse, planning and funding towards these types of projects to improve our water systems,” dagdag ni Poe.