ARESTADO ang isang notoryus drug suspek na sangkot sa panghoholdap matapos salakayin ng mga awtoridad ang kanyang bahay na nakuhaan ng baril, granada, mga bala at shabu sa Caloocan City.
Kinilala ni Caloocan Police chief P/Col. Restituto Arcangel ang naarestong suspek na si Ramon Meraña alyas Jonjon Barok, 43, electrician ng Caimito Road corner Dagohoy St. Brgy. 77.
Ayon kay Station Intelligence Branch (SIB) Chief Insp. Jonathan Olvena, dakong 2:10 pm nang salakayin ng mga operatiba ng SIB ang bahay ng suspek sa bisa ng search warrant na inisyu ni Caloocan Regional Trial Court (RTC) Executive Judge Remigio Escalada, Jr., ng Branch 123 sa paglabag sa RA 10591 o the Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Act base sa reklamo ng kanyang mga kapitbahay dahil sa pagpapaputok ng baril lalo na kapag nalalasing na nagresulta sa kanyang pagkaaresto.
Nakompiska ng raiding team sa bahay ng suspek ang isang cal. 45 pistol na may magazine at anim na bala, cal. 38 revolver na may anim na bala, isang granada, tatlong packs ng hinihinalang shabu at sari-saring identification cards ng iba’t ibang tao. Sinabi ni Chief Insp. Olvena, kamakailan, sinugod ng suspek ang barangay captain ng Brgy. 77 na naging dahilan upang sampahan ng kasong assault upon a person in authority sa Caloocan City Prosecutor’s Office.
Maliban sa ilang kasong criminal na isinampa kay Meraña, sinampahan din ng pulisya ng kasong paglabag sa RA 10591, RA 9156 o Unlawful Possession of Explosive Devices at RA 9165 o the Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sa Caloocan City Prosecutor’s Office.
(ROMMEL SALES)