PATAY ang 157 pasahero at crew na sakay ng Ethiopian Airlines flight patungong Nairobi nang bumagsak ilang sandali matapos sumahimpapawid nitong umaga ng Linggo sa Ethiopia.
Ayon sa Ethiopia Broadcasting Corporation, mula sa 33 nasyonalidad ang bumubuo sa 157 pasahero ng EA flight.
Samantala, hindi pa malinaw ang dahilan ng pagbagsak ng bagong Boeing 737-8 MAX plane na kasalukuyang iniimbestigahan.
Pinakamalaki sa Africa ang state-owned Ethiopian Airlines at ikinokosiderang pinakamagandang airline sa rehiyon na pinapangarap maging gateway ng kontinente.
Ayon sa pahayag ng airlines, nasa eroplano ang 149 pasahero at walong crew members nang bumagsak anim na minuto matapos mag-take off mula sa Addis Ababa patungong Nairobi, ang kabisera ng Kenya.
Bumagsak ang eroplano bandang Bishoftu, o Debre Zeit, 50 kilometro mula sa timog ng Addis Ababa, ilang minuto matapos mag-take off 8:38 am.
Ayon sa airline, “Search and rescue operations are in progress and we have no confirmed information about survivors or any possible casualties.”
Ngapahayag ng pakikiramay ang Ethiopian prime minister sa mga naulila ng mga namatay na pasahero.
Noong 2010, bumagsak din ang isang eroplano ng Ethiopian Airlines 10 minuto matapos mag-take off mula sa Beirut na ikinamatay ng pasaherong sakay nito.
Samantala, sinabi Prime Minister Abiy Ahmed, magiging bukas sila sa foreign investors upang mapaunlad ang iba’t ibang sektor gaya ng airlines.
Kasalukuyang nasa ekspansiyon ang Ethiopian Airlines kabilang ang pagbubukas ng ruta patungong Moscow, Russia at pagbubukas ng bagong paliparan sa Addis Ababa na mas malaki ang kapasidad.
Ayon kay PM Ahmed, kailangan magtayo ng “Airport City” terminal sa Bishoftu – ang pinangyarihan ng pagbagsak nitong Linggo.