LAGUNA — Hindi man kilala ang mga kandidato ng oposisyon, tiwala si Vice President Leni Robredo na bibigyan sila ng pagkakataon ng taongbayan sa darating na eleksiyon, dahil napatunayan na silang matitino at mahuhusay.
Dumalaw si VP Leni sa iba’t ibang bahagi ng Laguna nitong Miyerkoles (6 Marso), upang maipakilala sa mga kinatawan ng iba’t ibang sektor ang mga kandidato ng Otso Diretso — walong lingkod-bayan mula sa iba’t ibang partido at karanasan, na marami nang napatunayan sa serbisyo-publiko.
Ayon sa Pangalawang Pangulo, alam niyang malaki ang pagpapahalaga ng mga botante sa husay ng mga kandidato, kung mabibigyan lamang ng pagkakataon na makilala sila.
Aniya, pareho ito sa kaniyang naging tagumpay noong 2016, na umangat siya “from 1% to Vice President.”
“Hindi pera ang pinakamahalaga. Ang mahalaga, magpakilala sa tao, dahil ang tao, pipiliin iyong pinakamabuti para sa kaniya,” wika ni VP Leni.
“Kapag ang tao ay binibigyan ng pagkakataong pumili, iyong pipiliin niya iyong tingin niya na mabuti. Kahit anong pang-aalipusta, talagang ang pipiliin nila iyong mas mabuti,” dagdag niya.
Lubos na naniniwala si VP Leni sa mga kandidato ng Otso Diretso, na kamakailan lang ay pinulaan ni Pangulong Rodrigo Duterte at sinabing “diretso sa impiyerno,” dahil sa pagtuligsa sa mga maling polisiya ng kaniyang administrasyon.
Sa kabila ng tirada ng Pangulo, patuloy na nagpapalakas ng puwersa ang Otso Diretso, na binubuo nina Sen. Bam Aquino, Magdalo Rep. Gary Alejano, dating senador Mar Roxas, dating congressman Erin Tañada, dating solicitor general Pilo Hilbay, ang iginagalang na human rights lawyer na si Chel Diokno, ang election lawyer na si Romy Macalintal, at ang dating Bangsamoro Transition Committee member na si Samira Gutoc.