NAGPASALAMAT si Brian Poe Llamanzares sa grupong Filipinos for Peace, Justice and Progress Movement (FPJPM) sa walang sawang suporta sa kanilang pamilya matapos iendoso ang kandidatura ng kanyang inang si Senadora Grace Poe na laging topnotcher sa mga survey.
Inendoso ng FPJPM, dating kilala bilang Fernando Poe Jr. for President Movement, ang reelection bid ni Poe kasama ang anim na iba pang kandidatong senador nitong Lunes sa Club Filipino sa San Juan City.
Ayon kay Brian, naaalala niya na noong 2012 ang FPJPM ang unang grupo na nagpahayag ng suporta sa kanyang ina nang una itong tumakbong senador at nagwaging topnotcher noong 2013.
“Ngayong 2019, nandito pa rin kayo at tumutulong dahil naniniwala kayo na ang serbisyo ni Senadora Grace Poe ay tapat at tunay na serbisyo para sa mga tao na kailangan talaga ng tulong,” ani Brian na kumatawan sa kanyang ina na nagkampanya sa General Santos at Koronadal.
“Wala siyang partido, hindi siya kasama sa administrasyon, hindi rin siya kasama sa oposisyon, kayo po ang kanyang partido, ang taongbayan ang kanyang partido tulad ni FPJ noon,” sabi ni Brian sa grupong karamihan ay mga tagahanga ng kanyang yumaong lolo na si National Artist Fernando Poe Jr.