SINABI kahapon ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na aabot sa 10 milyon hanggang 25 milyon trabaho ang lilikhain ng malayang merkado para sa telco tower builders.
“The rationalization of the telcos and the cell site builders and operators will accrue to the benefits of millions of subscribers in particular, and the Filipinos in general,” wika ni acting DICT Sec. Eliseo Rio, Jr.
Inihayag ni Rio, ang positibong pananaw habang tinatapos ng DICT ang final copy ng common tower policy, aniya, ay magbibigay-daan para mapaghusay ng market-driven forces ang telecommunication services.
Paliwanag ng DICT chief, ang pinakamahalagang benepisyo ng common tower policy sa ekonomiya ng bansa ay malaking income na malilikom nito.
Sa pagtaya ng DICT, nasa P200 bilyon ang potential gross income mula sa maraming interesadong cell site builders na magtatayo at mag-o-operate ng kinakailangan pang 35 towers para sa ‘shared use’ ng telcos.
Ayon sa ahensiya, may 25 milyon na trabaho ang lilikhain nito base sa 200 hanggang 500 workers para sa bawat tower para sa kabuuang 50,000 towers na kinakailangan sa buong bansa.
Dagdag ni Rio, ang tower sharing policy ay inaasahan din makapagpapalakas sa financial capacity ng telcos sa pagpapahusay sa kanilang serbisyo sa mga subscriber.
Paliwanag niya, ang savings ng telcos mula sa pagtatayo at pagmamantina ng towers ay maaaring i-reallocate sa capital expenses na tutuon sa pagpapataas ng antas ng kanilang serbisyo sa mga subscriber.
“Even the local government units that will host the towers are intended to benefit from the unrestricted number of towercos that will build and operate the shared cell sites,” sabi ni Rio.
Idinagdag niya, sa final plan ay tinatayang may 5,000 towers ang itatayo taon-taon sa susunod na pitong taon para makompleto ang 50,000 towers sa loob ng 10 taon, na sa huli ay magbibigay-daan para makasabay ang broadband service ng Filipinas sa iba pang bansa.
Sa kaugnay na balita, hinambalos ng dalawang mambabatas ang isinusulong ng ilang tagapayo sa Malacañang na limitahan sa dalawang pribadong kompanya ang magtatayo ng 35,000 towers at magmamantina rito.
Kapwa sinabi nina Quezon City Rep. Winston Castelo at Abra Rep. Joseph Bernos na “kailangan nang iabandona ng mga naghahangad na gumanda ang serbisyo ng telcos ang planong towercos duopoly dahil kontra ito sa pangako ni Pangulong Duterte na pabilisin ang internet sa bansa.
“At lalo pang hahaba ang hihintaying panahon ng mga subscriber na gumanda ang serbisyo ng telcos kung dalawang kompanya lang ang magtatayo ng kakulangang 35,000 cell towers kompara sa maraming kompanya na magtutulungan para mapabilis ang konstruksiyon ng nasabing mga pasilidad,” anang dalawang kongresista.