INAPROBAHAN na ng Senate committee on public services ang panukalang magpapahintulot sa paggamit ng mga motorsiklo bilang pampasaherong sasakyan tulad ng Angkas.
Hiwalay na inakda ang Senate Bill Nos. 2173 at 2180 at Senate Resolution 993 nina Senadora Grace Poe, Senate President Pro-Tempore Ralph Recto at Sen. JV Ejercito at nakalusot na bilang alternatibong public transportation sa ikalawang public hearing kamakailan.
“Kinikilala natin na ito ay alternatibo at kailangan ng transportasyon papunta sa main hub… kaya ito ay ikinokonsidera natin,” ani Poe na siyang chairman ng komite.
“Mayroon pong demand para rito sapagkat mas mura, mabilis at komportable ang pagmomotor dahil sa matinding siksikan ng mga sasakyan,” dagdag ni Poe.
Sa kabila na suportado ni Poe ang mas murang mode of transportation, dapat umanong magkaroon nang sapat na kaalaman at training ang mga rider at mayroon din dapat na accident insurance ang mga pasahero nito.
“Bagama’t mayroong demand, hindi naman natin maikakaila ang inherent vulnerability ng mga motorsiklo sa mga aksidente; at dahil dito, nararapat na mas matindi ang safety requirements sa motorsiklo,” dagdag niya.