ANG batas na ginawa ni dating senador Mar Roxas ukol sa Magna Carta for Small-Medium Enterprises ang sumagip sa maraming maliliit na negosyante nang kanyang ipatupad noong siya ay Trade and Industry secretary.
Sa multi-sectoral forum sa unang araw ng Marso sa Calamba, Laguna, inulan ng tanong ang dating senador na si Roxas kung paano makapagsisimula ng negosyo ang mga mamamayan sa tulong ng pautang ng gobyerno.
“Inaamin ko na isa akong maliit na negosyanteng nag-iisip ng paraan para makaahon sa buhay. Ang problema ko, kulang ako sa puhunan. Sa paanong paraan ba ako makakukuha ng tulong-pinansiyal sa ating gobyerno?” tanong kay Roxas ni Sheryl Villanueva, founder ng Sta. Rosa Partnership Organization.
Ayon kay Roxas, ang “Magna Carta for Small-Medium Enterprises (SMEs) na isinabatas niya noong senador pa siya ang sagot sa mga tanong ni Villanueva dahil ito ang nagmistulang ‘salbabida’ ng maliliit na negosyanteng nalulunod sa tindi ng kompetisyon.
“Ang nangyayari ngayon, ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) hinahayaan na balewalain ang batas na ito na nagsasaad na ang mga banko ay dapat na magpautang sa maliliit na negosyante.
Sinasabi ng BSP sa mga banko, okey lang na hindi kayo magpautang, bilhin n’yo na lang ang aming utang. Ang tawag diyan, alternative compliance,” sabi ni Roxas.
Ayon kay Roxas, ang gobyerno ay puwedeng umutang sa mga pondong kailangan ng estado pero hindi ganito sa pangkaraniwang mamamamayan tulad ni Sheryl na walang pang-collateral.
“Kailangan pairalin natin ang nakasaad sa batas para sa alternative compliance dahil sa paraang ito matutulungan ang SMEs,” ayon kay Roxas.
Bukod dito, tinukoy ni Roxas ang Small Business Guarantee Fund Corporation (SBGFC), na isang government agency na gumagarantiya na makauutang sa bangko ang SMEs.
“Noong DTI ako, ginamit ko ito. Ngayon, ang isang gobyerno na tututok at gustong makatulong sa maliliit na negosyante, popondohan niya ‘yang SBGFC. Pero kung ang gobyerno, binabalewala ang maliliit, babalewalain din niya ‘yung SBGFC, kaya hirap ang mga maliliit na makahanap ng mauutangan,” sabi ng ekonomistang si Roxas.
Tiniyak ni Roxas na tututukan niya sa pagbabalik sa senado ang mga kaparaanang magbibigay ng suporta sa mga gustong magsimula ng maliit na negosyo.