WALA nang lusot ang mga gasolinahang hindi nag-iisyu ng resibo sa kanilang mga kliyente o hindi nagdedeklara ng tamang sales na pumapasok sa kanilang kompanya.
Sinabi ni Finance assistant secretary Tony Lambino, sa pamamagitan ng fuel marking program, awtomatikong malalaman kung ilang litro ang inilalabas ng isang gas station maging ng oil refineries.
Sa ilalim ng programa na nakapaloob sa TRAIN law, ipinaliwanag ni Lambino na kakabitan ng fuel markers o molecular tracers ang lahat ng imported at refined oil products gaya ng gasolina, diesel at krudo.
Kaya ang resulta, awtomatikong madedetermina ang bawat litrong lumalabas sa mga gasolinahan at oil refineries at mula roon ay matutumbok kung magkano ang dapat na bayarang buwis ng isang gas station.
Dagdag ni Lambino, hagip din ng naturang programa ang smugglers na aniya’y susunod nang paghuhulihin ng gobyerno dahil sa pinsalang idinudulot nito sa tamang kita ng bayan.
Batay sa datos, P44 bilyon ang nawawala sa kaban ng bayan dahil sa smuggling na maaaring magamit sa iba’t ibang proyekto ng pamahalaan.
ni ROSE NOVENARIO