INILINAW ni Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) Executive Director Jose Antonio E. Goitia, sa ilalim ng Administrative Order No. 16 ni Pangulong Rodrigo Duterte na lumikha sa Manila Bay Task Force ay naging mandato ng PRRC ang dredging, pag-aalis ng mga estruktura at paglilinis sa Ilog Pasig.
“Maraming nagpapanggap na kanila ang dredging ng Pasig River pero malinaw sa AO No. 16 na ang PRRC ang magsasagawa ng civil works sa Ilog Pasig,” diin ni Goitia na mas kilala bilang Ka Pepeton.
“Siguro nakita ng Pangulo kung gaano kaepektibo ang PRRC kaya binigyan ang komisyon ng mas defined at matibay na mandato at direktiba.”
Nakasaad sa AO No. 16 na ang PRRC ang magtitiyak ng enforcement at abatement ng lahat ng legal easement sa magkabilang gilid ng Pasig River at mga daluyang tubig tulad ng mga ilog, sapa at estero.
Ang PRRC rin ang inatasan sa Manila Bay Task Force na magsagawa ng relokasyon sa informal settler families (ISFs) o mga iskuwater at iba pang labag sa batas na umookupa ng mga easement sa Pasig River.
“Ang pinakamahalaga sa AO No. 16, we must undertake civil works, such as dredging, clearing of structures, cleaning of the Pasig River and all the esteros and waterways that drain into the Manila Bay,” diin ni Goitia.
“Kaya ngayong malinaw na ang aming mandato batay sa direktiba ng ating mahal na Pangulong Rodrigo Roa Duterte, mananagot sa PRRC ang lahat ng mga may ilegal na estruktura sa tabi ng Pasig River at lahat ng tributaryo nito lalo sa mga estero,” dagdag ni Goitia.