Saturday , November 23 2024

SSS nagpasalamat kay Duterte, solons sa pagpasa ng SS Act of 2018

MAKALIPAS ang 22 taon, mayroon ng bagong batas ang Social Security System (SSS) matapos pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Batas Republika 11199 o mas kilala bilang Social Security Act of 2018.

“Ito ay isang malaking tagumpay para sa ahensiya. Ang batas na ito ay magbibigay ng panibagong buhay sa SSS upang patuloy nitong mabigyan ng serbisyo ang stakeholders, mga miyembro, at mga pensiyonado. Lubos kaming nagpapasalamat kay Pangulong Duterte sa pagbibigay pansin sa matagal nang hinihintay na pag-amyenda sa batas at paglagda rito bilang isang batas,” ani SSS President and Chief Executive Officer Emmanuel F. Dooc.

“Nais din naming pasalamatan ang mga mambabatas na sina Senate President Vicente Sotto III at House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo para sa kanilang pangunguna sa kongreso; sa ating SSS Champion sa Senado, pangunahing may-akda at sponsor, Sen. Richard Gordon; at ang ating mga kasama sa Senado at Kongreso – Senador Ralph Recto, Franklin Drilon, at Sherwin Gatchalian at Congressmen Prospero Pichay at Mark Go,” dagdag ni Dooc.

Nilalayon ng RA 11199 na palakasin ang ahensiya sa pamamagitan ng rasyonalisasyon ng kapangyarihan ng Social Security Com­mission, na pinapayagang palawakin ang kapasidad ng pamumuhunan ng ahensiya upang makalikom nang mas malaking kita para sa kapakinabangan ng mga miyembro at pensiyonado.

Inaasahan din na makalilikom ng dagdag na kita ang ahensiya sa pamamagitan ng pagpapatupad ng unti-unting pagtaas ng buwanang kontribusyon mula sa 11 porsiyento. Magkakaroon ng dagdag na isang porsiyento simula sa unang taon ng pagpapatupad ng batas hanggang maabot ang 15 porsiyento sa 2025.

Kasabay din nito ang unti-unting pagtaas ng minimum at maximum monthly salary credit.

Sa ilalim ng inamyendahang SS Law, magtatamasa ang mga miyembro ng karagdagang benepisyo na unemployment insurance. Sakop nito ang mga kuwalipikadong mga manggagawa na maaaring nakaranas ng biglaang pagkatanggal sa trabaho. Sa ilalim ng probisyon para sa unemployment insurance, sila ay magiging protektado sa biglaang pagkawala ng pinagkakakitaan.

“Sa ilalim ng batas na ito, ang mga manga­gawang natanggal sa trabaho ay makakukuha ng tulong-pinansiyal na nagka­kahalaga ng kalahati ng kanilang average monthly salary credit sa loob ng dalawang buwan,” ani Dooc.

Sa kasalukuyan, ang mga miyembro ng SSS ay may mga benepisyo para sa pagkakasakit, panganganak, pagkabalda, pagreretiro, pagpapalibing, at pagkamatay.

Mayroon din nakalaang proteksiyon ang batas para sa lumalaking bilang ng mga Filipino na nagtatrabaho sa ibang bansa dahil ginawang pangkalahatan ang social security coverage ng overseas Filipino workers (OFWs).

“Ang mga Filipino na nagtatrabaho sa ibang bansa ay mas nahaharap sa panganib dahil sila ay nakikipagsapalaran sa hindi pamilyar na kapaligiran habang sila ay naghahanapbuhay para sa kanilang mga pamilya. Layunin namin na masiguro na ang lahat ng OFW ay maging protektado sa ilalim ng SSS,” sabi ni Dooc.

Ayon kay Gordon, ang principal author at sponsor ng batas, ang SS Act of 2018 ay nagbibigay-diin sa mga miyembro sa kahala­gahan ng “work, save, invest, and prosper.”

“Hindi ipinapangako ng batas ang kasaganaan ng yaman kundi ang proteksiyon sa mga miyembro kung sakaling sila ay makaranas ng hindi magandang pangyayari sa kanilang buhay,” ani Gordon.

Higit pa, binabaan din ng batas ang multa para sa mga nahuling bayad sa kontribusyon mula sa tatlong porsiyento ay naging 2 porsiyento. Nakasaad din dito na hindi na kakailanganin pang aprobahan ng Malacañang sa mga susunod pang condonation.

Hinihintay na lamang ang Implementing Rules and Regulations ng bagong batas matapos na ito ay mailathala sa Official Gazette o sa kahit alinmang pahayagan.

About hataw tabloid

Check Also

Technology and Resilience Take Center Stage in DOST 9 RSTW

Technology and Resilience Take Center Stage in DOST 9 RSTW

The Department of Science and Technology (DOST), in collaboration with Western Mindanao State University (WMSU), …

MOHS Remed Pharmaceuticals

MOHS acquires major pharma company

In pursuit of its strategy of vertical integration of its flagship healthcare and wellness business, …

Krystall herbal products

Produktong Krystall katuwang ng pamilya ng delivery rider sa pag-aalaga ng kalusugan

Back to BasicNATURE’S HEALINGni Fely Guy Ong Dear Sis Fely Guy Ong, Ako po si …

DOST NSTW Cagayan de Oro City

DOST brings nat’l science, technology, and innovation week in Cagayan de Oro City

The Department of Science and Technology is set to hold the 2024 National Science, Technology, …

DOST-PCCI innovation hub to boost enterprises’ growth

In a landmark collaboration aimed at bolstering the nation’s innovation and economic growth, the Department …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *