KUNG mayroon mang centerpiece program na gustong ipagpatuloy ni Manila Mayor Joseph Estrada sa kanyang huli at ikatlong termino, ito ang “womb to tomb” projects na pinakikinabangan ng daan-daang libong residente ng lungsod.
Ayon kay Estrada, dinatnan niya ang lungsod ng Maynila na nasa miserableng kondisyon na ang mga ospital ay walang maayos na pasilidad, walang gamot, walang doktor at walang pagmamasalakit sa mga pasyenteng mahihirap.
“Dahil nga bangkarote ang city government na wala nang pondo, may pagkakautang pa na P8 bilyon kaya kailangan kong ayusin ang lahat para masimulan ang programang womb to tomb,” sabi ni Mayor Erap.
Ang “womb to tomb” program ang tumutukoy sa serbisyo ni Erap mula sa pagkasilang ng bata hanggang sumapit ang pagpanaw ng isang nilalang.
“Libre lahat dito sa Maynila, walang binabayaran ang nga nanganganak, kung magkasakit sila, may maayos na pasilidad ang ospital at libre ang gamot. Kapag nag-aaral na ang bata, mayroon silang educational assistance, mayroon din mga livelihood and capital assistance para sa mga nanay at tatay na gustong magsimula ng maliit na negosyo,” sabi ni Mayor Estrada.
Maging ang senior citizens ay sentro rin ng pagseserbisyo ng Estrada administration. Karaniwan din ang pagkakaloob ni Mayor Erao ng P100,000 sa mga senior na umabot sa kanilang 100th bday.
Sa buong bansa, ang lokal na pamahalaan lamang ng Maynila ang mayroong mahigit 70 dialysis machines na libreng nagagamit ng mga pasyente sa Gat Andress Bonifacio Memorial Hospital sa Tondo na nabigyan pa ng recognition ng United Nations.
“Normally, kapag nagpa-dialysis ka, gagastos ka pa ng P3,500 kada sesyon. Kung tatlo hanggang apat na beses ang sesyon sa isang buwan, mabigat ang gastos para sa pangkaniwang mamamayan pero rito sa Maynila, libre lahat mula sa dialysis machines hanggang sa kanilang mga gamot,” sabi ng alkalde.
Sa mga pagkakataong hindi na kinakaya ng mga pasyente ang kanilang mga karamdamam, dumarating ang mga hindi inaasahang pagpanaw na katotohanan naman sa lahat ng nilalang.
“Pati libing, libre rito sa Maynila, walang kailangang bayaran ang pamilya kapag kinailangan nila ang tulong ng lokal na pamahalaan. Sagot ng lungsod dahil may modernong columbarium, na ipinatayo natin,” ayon sa alkalde.
Aabot sa 4,088 kapasidad ng columbarium para sa funeral urns na binabanggit ni Mayor Estrada bukod pa ang mahigit 1,200 slots para naman sa mga ataul na ipinagawa ng alkalde noon pang 2016.
Regular din ang serbisyo caravan ni Estrada na tumutulong sa daan-daang libong mamamayan sa pamamagitan ng medical/dental services, legal assistance at livelihood assistance.
Sinabi ni Mayor Estrada, ang womb to tomb program ang gusto niyang magpatuloy at mapondohan nang mas malaki sa pagbabalik niya sa ikatlong termino.
Si Estrada ay nanatiling popular sa mga taga-Maynila na batay sa pinakahuling survey, siya pa rin ang gustong maging alkalde nang mahigit 70% ng mga botante.