MULING inaresto ang isang paring Katoliko kahapon dahil sa reklamong pangmomolestiya sa 50 bagong biktima na karamihan ay mga batang sakristan.
Inaresto ng awtoridad si Kenneth Pius Hendricks matapos ang higit dalawang buwan mula nang unang madetine sa Camp Bagong Diwa sa Taguig dahil sa reklamong pang-aabuso.
Unang nahuli si Hendricks noong 5 Disyembre 2018 sa lalawigan ng Biliran province nang maisyuhan ng warrant of arrest galing sa United States District Court for Ohio noong 11 Nobyembre 2018 sa kasong “engaging in illicit sex with a minor in a foreign country.”
Nitong Martes, muling hinainan ng limang warrant of arrest ang pari dahil sa hinihinalang pang-aabuso sa mga bagong biktima na karamihan ay mga sakristan.
Sinabi ng mga pulis na sa una ay takot ang mga biktima na magsumbong dahil sa pagbabanta ng pari ngunit napagdesisyonan nilang lumabas nang malamang nauna na siyang naaresto ng mga tauhan ng Immigration.
Inilabas ng Biliran Regional Trial Court Branch 16 ang limang warrant of arrests para sa mga kasong acts of lasciviousness at child abuse laban kay Hendricks.
Naaresto si Hendricks ng magkasamang puwersa ng Regional Special Operations Unit (RSOU) ng National Capital Region Police Office (NCRPO), BI Fugitive Search Unit, at US Department of Homel and Security.
Ililipat si Hendricks mula sa BI detention facility patungo sa RSOU jail.
Sa nakalap na impormasyon, unang nagpunta sa Filipinas si Hendricks noong 1968 mula sa Cincinnati, Ohio, USA.
Naordinahan siyang pari sa bansa sa ilalim ng Franciscan Order at nagsilbi sa kapilya ng St. Isidore the Worker sa Talustosan Village, Biliran.