ISASARA ang ilang pangunahing lansangan sa lungsod ng Makati bunsod ng gaganaping Grand Motorcade at Ticker Tape Parade kay Miss Universe 2018 Catriona Gray kaya asahan na makararanas ng mabigat na daloy ng trapiko ang ilang mga motorist at commuters ngayong araw ng Huwebes (21 Pebrero).
Kahapon sa traffic advisory ng Makati City government, isasagawa ang parada sa kahabaan ng Sen. Gil Puyat Avenue (mula Taft Avenue) at Ayala Avenue (mula Sen. Gil Puyat Avenue hanggang EDSA)
Magsisimula ito dakong 4:00 pm hanggang 5:00 pm.
Patungong Freedom Park, malapit sa Ayala Avenue at Sen. Gil Puyat Avenue intersections bago magtutungo sa Central Business District at magtatapos sa Glorietta/EDSA.
Ayon sa tanggapan ng Makati Public Safety Department, ang lahat ng behikulo mula sa eastbound ng Sen. Gil Puyat Avenue ay apektado hanggang Ayala Avenue.
Sa kaalaman ng madla, maaaring kumanan sa Washington St., kaliwa sa Dela Rosa St., daraan sa Pasong Tamo Avenue, kanan sa Amorsolo St., kaliwa sa VA Rufino St., at kanan sa Dela Rosa St., patungong Makati Avenue at Mandaluyong City.
Sa intersections ay magkakaroon ng ”stop and go mode.”
Magtatalaga ng mga traffic enforcer para asistehan ang mga motorista at publiko na maaapektohan ng masikip na daloy ng trapiko.
(JAJA GARCIA)