MAS malakas na suporta ng gobyerno ang kailangan para mapasigla ang pagsasaka at hindi sagot ang importasyon.
Ito ang tahasang tugon ni former DTI at dating senador Mar Roxas sa mga nagsusulong ng rice importation at pag-aangkat ng mga produktong agrikultura.
Ayon kay Roxas, ang pagsasaka ay hindi katulad ng PBA na may All-Filipino Conference at Reinforced Conference na kailangan pa ng imported players.
Binigyang-diin ni Roxas na ang planong deregulasyon sa asukal, bigas at iba pang agri products ay magiging dagok sa local farmers na umaasa sa kanilang ani.
“Nakakapagtaka, parang lahat na lang ng iminumungkahi ng Department of Agriculture ay mag-import tayo. ‘Di ba parang inaamin natin na hindi natin kaya, na hindi niya nagampanan ‘yung trabaho nya. Hindi naman basketball ang pagtatanim at pagsasaka, magaling ang Pinoy farmers diyan mula’t mula pa,” sabi ni Roxas.
Payo ni Roxas, mas mabuting doblehin pa ang pagsuporta ng gobyerno sa mga magsasaka para mas gumanda ang produksiyon nila tuwing harvest season at tumaas umano ang kita.
Sa pamamagitan ng magandang ani, sinabi ni Roxas, mas mapapababa pa nito ang presyo ng mga paninda sa merkado.
“Para sa akin bago tayo mag-import gawin natin ang lahat para matulungan ‘yung mga magsasakang Filipino. Emergency measure lang dapat ang importation at hindi mandato,” ani Roxas na nakilalang Mr. Palengke dahil sa pagbabantay niya sa presyo ng mga bilihin noong DTI secretary pa siya.