HUMAHARAP sa patong-patong na reklamo dahil sa mga talbog na tseke at nakatatanggap ng mga banta sa buhay bago pinaslang ang negosyanteng si Jose Luis Yulo noong Linggo sa EDSA.
Dalawang suspek na nakasakay sa motorsiklo ang walang habas na namaril sa sinasakyang Toyota HiAce van ng biktima na kanyang ikinamatay at ng driver na si Allan Nomer Santos habang sugatan ang kasama nilang babae na si Esmeralda Ignacio na isang stock broker.
Sa impormasyon na nakalap nina S/Supt. Moises Villaceran Jr., hepe ng Mandaluyong police, humaharap si Yulo sa 14 reklamo dahil sa tumalbog na mga tseke samantala nagsampa rin ng reklamo ang negosyante dahil sa mga natatanggap niyang pagbabanta sa kaniyang buhay.
Kasalukuyang sinusuri ng pulisya kung may kaugnayan ang mga reklamo laban sa biktima sa pagkakakilanlan ng mga suspek.
Kabilang sa mga negosyo ni Yulo ay real estate, pagdi-distribute ng gun accessories at pagbebenta ng mga sasakyan.
Dagdag ni Villaceran, natagpuan din sa bag ng negosyante ang kargadong .38 kalibre ng baril at 12 pang rounds ng bala.
“Tinitingnan namin bakit mayroon siyang baril despite ng [election] gun ban. Mayroon bang threat? Mayroon bang alam niyang nanganganib ang buhay niya?” pahayag ni Villaceran.
Iimbitahan ang mga kaanak ni Yulo para sa pormal na imbestigasyon habang pag-aaralan ng pulisya ang surveillance footage sa paligid ng pinangyarihan ng insidente upang makita kung saan patungo ang tumakas na mga suspek.
Inilinaw ni NCRPO Director Guillermo Eleazar na kapangalan lamang ni Chamber of Commerce of the Philippine Islands President Jose Luis U. Yulo Jr. ang pinaslang na biktima.