IBA’T IBANG ahensiya ng pamahalaan sa pamamagitan ng local contractors ang magsasagawa ng rehabilitasyon ng Marawi City at hindi na sa pamamagitan ng joint venture sa foreign firms, ayon sa Task Force Bangon Marawi.
Ang desisyon na lumipat sa local contractors ay ginawa matapos ang isang taon pagpupursigi sa joint venture agreement sa Filipino-Chinese consortium.
“The joint venture was not a way to go,” ani TFBM Chairman Eduardo del Rosario sa press briefing sa Malacañang.
Batay aniya sa Public-Private Partnership Center, Department of Budget and Management at Department of Finance, ang joint venture scheme ay maaaring kontra sa mga patakaran at batas.
“It’s not a profit-sharing scheme,” ani Del Rosario.
Aabot sa P67.99 bilyon ang kailangan para sa ganap na rehabilitasyon ng Marawi na inaasahang matatapos sa 2021.
(ROSE NOVENARIO)