NANAWAGAN si former Trade and Industry secretary Mar Roxas sa Department of Labor and Employment (DOLE) na ipatigil sa lalong madaling panahon ang pagbibigay ng work permit sa mga Chinese na dumagsa sa bansa magmula pa noong nakaraang taon.
Ayon kay Roxas na kilalang father of call centers, walang problema kung Chinese language ang expertise ng mga kinukuhang manggagawang Tsino dahil kailangan talaga iyon para sa Chinese market sa mga Business Process Outsourcing o BPO.
“Pero kung skilled at physical jobs tulad ng karpintero, mason, welder at mga katulad nito, aba’y maraming mga kababayan kahit saang sulok ng Filipinas ang magaling sa ganyang larangan. Ang tanong, bakit may Chinese na pinapapasok para sa ganyang trabaho?” ani Roxas.
Batay sa mga ulat, ang DOLE ay nag-isyu ng 119,000 Alien Employment Permits (AEPs) sa nakaraang 2018 at mahigit kalahati rito o 52,000 ay ibinigay sa Chinese workers.
Tahasang kinuwestiyon ni Roxas ang ganitong sistema ng DOLE dahil lantaran na umano itong ‘pananakop’ sa sikmura ng bawat pamilyang Filipino na hindi makakuha ng trabaho dahil naibigay na sa mga Tsino.
Kaugnay nito, umapela si Roxas kay Labor Secretary Silvestre Bello na pairalin ang puso ngayong “Valentine’s season” at pag-aralang mahalin ang Pinoy workers.