ISA sa tatlong holdaper na mapangahas na nambiktima sa driver at pahinante ng isang cargo truck ang nadakip ng pulisya sa ginawang follow-up operation kahapon ng tanghali sa Caloocan City.
Kinilala ni S/Insp. Rammel Ebarle, hepe ng Caloocan Police Station Special Operation Unit (SSOU) ang naarestong suspek na si Carlito Pesimo, 22, ng Block 3, Tanigue St, Brgy. 14, Dagat Dagatan, positibong kinilala ng mga biktima na isa sa tatlong holdaper. Itinuro ni Pesimo ang dalawa niyang kasamahan na kinilala sa mga alyas na “Regie” at “Erik” na nakatakas nang isagawa nina S/Insp. Ebarle ang pagsalakay sa kanilang hideout sa Tanigue St., dakong 11:30 ng tanghali.
Lumabas sa imbestigasyon, sinamantala ng mga suspek na armado ng baril at patalim ang masikip na trapiko sa kahabaan ng C3 Road nang akyatin ang cargo truck na minamaneho ni Michael Ferolino, 25 anyos, taga-Pier 1, Fishport Complex, NBBS, Navotas City.
Tinutukan ng baril ng mga suspek ang mga pahinanteng sina Francisco Mangquet, 46, ng Dasmariñas Village, Makati City; at William Ragay, 30 anyos, Cabrera St., San Roque, Navotas City at puwersahang kinuha sa kanila ang gamit at salapi bago mabilis na tumakas patungo sa gawi ng Tanigue St.
Agad nagsuplong sa pulisya ang mga biktima at sa pamamagitan ng larawan ng mga holdaper na may rekord na sa pulisya na ipinakita sa kanila.
Kinilala ang mga suspek na nagresulta sa pagkakadakip sa isa habang nakatakas ang dalawa pa. (ROMMEL SALES)