PANSAMANTALANG nakalaya si Rappler CEO Maria Ressa nang magpiyansa kahapon, 14 Pebrero, matapos dakpin noong isang araw sa kasong cyber libel.
Itinakda ang piyansang P100,000 na agad inilagak ni Ressa na agad rin naisyuhan ng release order.
Inaresto si Ressa noong Miyerkoles pasado 5:00 pm, matapos maglabas ng warrant of arrest ang Manila Regional Trial Court Branch 46 laban sa mamamahayag dahil sa isang artikulong lumabas sa Rappler noong Mayo 2012, ilang buwan bago maipasa ang Cybercrime Prevention Act of 2012.
Magdamag na pinigil ang Rappler CEO sa conference room ng National Bureau of Investigation – Anti-Cybercrime Division matapos ang ilang bigong paglalagak ng piyansa dahil hindi sila pinayagan ng korte ng lungsod ng Pasay.
Ani Ressa sa panayam, maraming pagkakataong dapat silang makipagpiyansa ngunit hindi sila pinapayagan.
Dagdag niya, pang-anim na beses na niyang magpipiyansa sa pagkakataong iyon.
“This now is my sixth, sixth time that I post bail and I will pay more bail than convicted criminals, traditional, I will pay more bail than Imelda Marcos,” wika ni Ressa sa mga reporter.
Sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra noong Miyerkoles, ang pagdakip kay Ressa ay bahagi lamang ng proseso at maaaring nakaiwas siya sa pagkakaaresto kung nakapaghain agad siya ng piyansa.
Samantala, sinabi ni Ressa ang lahat ng mga naganap mula sa departamento ni SOJ Guevarra.
Nakasaad sa mensahe ni Ressa sa pinuno ng DOJ, “You don’t want to be known as the Secretary of Injustice.”
Ayon naman sa abogado ni Ressa na si JJ Disini, magpa-file din sila ng mosyon upang ma-nullify ang kaso laban sa kaniya.
Sinabi ni Disini, kinuwestiyon ng kampo ni Ressa ang pagbabawal ng korte ng Pasay na magpiyansa sila at ang hindi kompletong warrant of arrest na hindi nakasaad kung magkano ang piyansang dapat nilang ilagak.
Ayon Rappler, walang warrant of arrest na inilabas laban sa kanilang dating researcher at reporter na si Reynaldo Santos na siyang nagsulat ng artikulong tinutukoy sa kaso – istorya tungkol sa negosyanteng si Wilfredo Keng at ang hinihinalang kaugnayan niya sa dating Chief Justice Renato Corona.
Sinabi ni Ressa, dinismis ng NBI ang reklamong inihain ni Keng ngunit nagdesisyon ang DOJ pabor kay Keng dahil sa pag-a-update ng Rappler sa istorya noong 2014.
Iginiit ng online news site na ang pag-a-update ay isang mechanical error.
Ipinaliwanag ni Disini na ang muling pagpapalabas ng artikulo ay isang correction o pagdaragdag ng bantas na hindi naman nakaaapekto sa kahulugan at katuturan ng orihinal na istorya.
Nagtipon ang mga sumusporta kay Ressa sa labas ng NBI kamkalawa upang kondenahin ang pagpapakulong sa mamamahayag.
(Ulat mula sa CNN)