IBA’T IBANG partidong politikal man ang pinagmulan, nagbuklod sa isang ‘alyansa’ sina senatorial survey topnotch Grace Poe at iba pang reelectionists tungo sa iisang layunin: himukin ang mga botante para makilahok sa nalalapit na midterm elections.
Sa bahagi ni Poe, opisyal niyang inilunsad ang kanyang kampanya nitong Miyerkoles sa isang political rally sa Tondo, Maynila upang iulat ang kanyang mga nagawa at mga pagsusog upang makarating hanggang sa malalayong lugar ang kanyang plataforma legislativa tungo sa makabuluhang reporma para sa mahihirap.
Dinumog ng mga tagasuporta ang Zaragoza St., sa Tondo upang pakinggan ang plataporma ng mga senador sa muli nilang pagbabalik sa tungkulin.
Tinukoy ni Poe, tumatakbong independiente, ang pagtitipon ay pagpapakita ng lakas, pagkakaisa at estratehikong alyansa ng mga nanunungkulang senador.
Nakasama ni Poe ang mga kapwa senador na sina Cynthia Villar ng Nacionalista Party, Maria Lourdes “Nancy” Binay ng United Nationalist Alliance, Joseph Victor “JV” Ejercito ng Nationalist People’s Coalition, Juan Edgardo “Sonny” Angara ng Laban ng Demokratikong Pilipino at Aquilino “Koko” Pimentel III ng ruling party na PDP-Laban.
Kahit nagmula sa magkakaibang partidong politikal, sinalamin ng kanilang pagkakabuklod ang mahigpit na ugnayan ng mga pinakapopular na senador base sa mga huling pre-election surveys.
“Maligayang Araw ng mga Puso sa inyong lahat! Alam kong ang mga tao ng Tondo ay mga mapagmahal at responsable,” ani Poe.
“Bukas sa Araw ng mga Puso, kahit gaano pa tayo ka-busy o kahit gaano kahirap ang buhay ngayon, tumigil muna tayo sandali para mabati at mahagkan ang ating asawa o kapartner sa Valentine’s Day. Kung may regalo o bulaklak o tsokolate, bonus na ‘yun,” inspiradong pahayag ng senadora.
“Masaya ako sa aking pagbabalik dito sa Tondo. Wari ko parang dito ako nakatira. Nararamdaman kong anak ako ng Tondo dahil si FPJ ay inyong kasama. Pinalaki ako ni FPJ na maging matatag, may puso at masikap na babaeng nasa inyong harapan ngayon upang maibalik ko naman ito sa inyo,” puno nang karangalang pahayag ni Poe.
“Ang aking unang anim na taon sa Senado ay puno ng pagsubok. Pinapatnubayan ako ng prinsipyong maglingkod sa taongbayan at manindigan para sa kanilang interes.
“Kapag gumagawa ng batas, kayo ang nasa aming isipan. Ito ba ay makatutulong sa inyo, makababawas ba ito ng inyong mga ‘pamatok?’ Ito ba ay makatutulong para makamit ang inyong mga nais sa buhay?” pagbabahagi ng senadora sa kanilang mga tagasuportang nagsidalo sa nasabing pagtitipon.
“Ang National Feeding Program ay isa nang ganap na batas at magmumula ang pondo sa 2019 budget. Ang mga batang kulang sa nutrisyon ay makakakain nang libre sa ilalim ng batas na ito. Ito ang ating laban kontra sa gutom at kahirapan,” pagtitiyak ni Poe.
“Nakatutok palagi ang ating atensiyon sa mga programang transportasyon. Tila lalong lumalala ang traffic kada taon, araw-araw, naglalaan tayo ng 12 oras sa kalsada. Imo-monitor natin ang rehabilitasyon ng MRT3, konstruksiyon ng mga karagdagang linya, ang MRT7. Higit pang lumala ang traffic bunsod nang mataas na presyo ng gasolina kaya walang tigil ang ginagawa nating follow up sa distribusyon ng Pantawid Pasada vouchers. Karapatan ng jeepney owners at operators na tumanggap nito base na rin sa TRAIN law.”
HATAW News Team