BUO ang loob ng mga kandidato ng Otso Diretso sa pagpasok sa opisyal na panahon ng pangangampanya, sa gitna ng matinding laban na kanilang hinaharap upang maipakilala ang mga sarili at ang kanilang paninindigan.
Opisyal na inilunsad ang kampanya ng 8 kandidato nitong Miyerkoles, 13 Pebrero, sa Naga City, baluwarte ni Vice President Leni Robredo at ng yumao nitong asawa na si Jesse — hinangaan dahil sa makamasang estilo ng paglilingkod.
Aminado mang hindi pa nakikilala ng marami ang mga kandidato ng Otso Diretso, umaasa si Robredo na maipapasa rin sa kanila ang naging kapalaran niya bilang underdog ng 2016 elections.
Aniya, mahalaga ang laban sa Senado dahil ito ang kasangga ng taongbayan sa pagsupil sa mga pagtatangka ng mga ganid na abusuhin ang kapangyarihang ipinagkatiwala ng mga Filipino sa kanila.
“Kailangan natin ng mga taong walang takot at handang manindigan para sa tama. Ang ating walong kandidato, talagang pinagpilian at siguradong pinakamahuhusay,” dagdag niya.
“Kung naging posible ang ‘1% to Vice President’ noong 2016, walang dahilan para hindi natin sila maipanalo sa Senado.”
Inanyayahan ni Robredo ang mga kababayan na iboto ang mga kandidatong kaniyang sinusuportahan, dahil panahon na rin para itama ang mga palyang dulot ng kakulangan sa kakayahan at katapatan.
Buo ang puwersa ng Otso Diretso sa ginanap na proclamation rally, na dinaluhan nina Sen. Bam Aquino at Magdalo Rep. Gary Alejano; mga nagbabalik-lingkod bayan na sina dating senador Mar Roxas, dating congressman Erin Tañada; at ang mga baguhang sasabak sa politika na sina dating solicitor general Florin Hilbay, iginagalang na human rights lawyer Chel Diokno, election lawyer Romy Macalintal, at si Samira Gutoc, bakwit mula sa Marawi na nagbitiw sa Bangsamoro Transition Commission bilang protesta sa pambabastos ni Pangulong Duterte sa kababaihan. (HNT)